MATAPOS na mabigyan ng kuryente ang nasa 40 bahay sa Isla Verde ngayong buwan, nabiyayaan naman ang mga masasaka ng isla ng solar-powered irrigation system mula sa Bureau of Soil and Water Management (BSWM) ng Department of Agriculture (DA) upang mapalakas ang agrikultural na produksiyon.
Ibinahagi ni Engr. Pablito Balantac, hepe ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), na kabilang ang mga magsasaka ng San Agapitosa ng Isla Verde na tumanggap ng proyekto sa 105 barangay sa lungsod dahil na rin sa instalasyon ng solar-power sa isla.
“Magagamit din ang solar energy na ito sa mga itatayong waterworks projects dito,” ani Balantac, na binigyang-diin ang tulong ng sistema ng irigasyon sa pagpapalakas ng pangkabuhayan at produksiyon ng argrikultura.
Ayon kay Balantac, ang pagtatayo ng mga solar-powered irrigation system ay malaking tulong sa mga residente ng isla, partikular ang mgma magsasaka at nasa sektor ng agrikultura na miyembro ng Association of San Agapito Farmers and Fisherfolk na mangangalaga at gagamit ng mga kagamitan.
Dagdag pa niya, layunin ng DA solar-irrigation project na maisulong ang pangangalaga at tamang paggamit ng mga lupa at nakukuhang tubig upang makamit ng mga magsasaka ang productivity at mas malaking kita.
Samantala, ipinaliwanag ni Assistant City Agriculturist Flora Andal na ang solar-powered irrigation system ay ipatutupad sa pamamagitan ng Organic Agriculture Program, kung saan 75 porsiyento ng solar pump ang gagamitin para sa irigasyon ng mga sakahan habang ang 25% ay maaaring magamit sa mga bahay.
Ayon kay Andal, magdaraos ang Office of City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS)-Crops Division ng serye ng mga pagsasanay para sa mga residente ng San gapito tungkol sa organic vegetable production.
PNA