INIHAYAG ng Pinoy boxing legend na si Manny Pacquiao ngayong Miyerkules na hinikayat niya ang panganay niyang anak, si Jimuel Pacquiao, 19, na huwag nang sumabak sa mundo ng boxing.
Napapaiyak daw kasi ang asawa niyang si Jinkee Pacquiao, ina ni Jimuel, sa isiping papasukin din ng anak ang boxing world.
Sinabi rin ni Pacquiao, ang tanging boksingero na nagwagi ng titulo sa walong iba’t ibang dibisyon, na napagkasunduan nilang mag-asawa na huwag maglagay ng gloves at boxing equipment sa bahay.
Sinubukan umanong kumbisihin ni Pacquiao, na kilala sa kanyang rags-to-riches climb sa buhay, si Jimuel na mag-iba ng career path.
“It pains me that he is boxing because I know how hard it is. I told him, ‘Daddy only went into boxing because of poverty… You, you don’t need to box’,” sabi ni Pacquiao sa isang local TV network.
“But he said: ‘Daddy, like you boxing is my passion also. I want to be a representative of this country as an athlete’,” dagdag pa niya.
Nagbahagi rin ng komento si Pacquiao sa video ng sparring ni Jimuel sa isang exhibition match na naka-post sa Facebook.
“His mommy had cried several times telling him, ‘Don’t go into boxing, son’,” anang boksingero na sabi umano ni Jinkee, na hinimok din siyang magretiro na sa pagboboksing.
“He really wants to do it,” sabi pa ni Pacquiao.
-Agence France-Presse