KUNG ang 2019 ay Year of the Pig sa mga Chinese, ang 2020 ay mukhang magiging Year of the Ladies sa United States. Magiging bakbakan ito ng mga babaeng Amerikana na naghahangad na maging pangulo sa 2020 na ang isa sa mga kalaban ay si US Pres. Donald Trump. Sa PH, baka ganito rin daw ang mangyari.

Sa ngayon, nangunguna sa paghahayag ng intensiyong maging kandidato ng Democrats si Sen. Elizabeth Warren. Naririyan din si Minnesota Sen. Amy Klobuchar. Bukod sa kanila, hangarin din nina Kristn Gillibrand at Tulsi Gabbard na mapiling kandidato.

Samantala, tatlong lalaki ang tumatarget na maging kandidato. Sila ay sina ex-Vice Pres. Joe Biden, Sen. Bernie Sanders at Michael Bloomberg. Maging ang dating hepe ng Starbucks (nakalimutan ko ang pangalan) ay nakatingala rin sa langit para ambisyunin ang pinakamataas na puwesto sa Amerika.

Sa Pilipinas, may lumulutang ngayong balita na baka sa 2022 ay sina Vice Pres. Leni Robredo at Davao City Mayor Sara Duterte ang “magbakbakan” sa panguluhan. Wala pa hanggang ngayon kung sino naman sa hanay ng kalalakihan ang nagpaparamdam ng presidential ambitions.

Sa United States, wala pang babaeng naging pangulo hindi tulad sa ibang mga bansa, gaya ng United Kingdom, New Zealand at Pakistan. Sinubok ni Hillary Clinton, asawa ni ex-US Pres. Bill Clinton, na targetin ang panguluhan ng pinakamakapangyarihan bansa sa mundo, pero siya ay nabigo.

Tinalo si Hillary ni McDonald, este Donald Trump. Sa popular votes, malaki ang kalamangan ni Hillary kay Trump ngunit natalo siya sa electoral college. Ngayon, mga babae pa rin ang nais lumaban kay Mr. Donald na ikinalilito ng mga Amerikano ang uri ng pamamahala.

Sa Pilipinas, dalawang babae ang naging Pangulo. Sila ay sina Tita Cory (Aquino), asawa ni ex-Sen Ninoy Aquino, at ina ni ex-Pres. Noynoy Aquino. Ang pangalawa ay si Gloria Macapagal-Arroyo, anak ni ex-Pres. Diosdado Macapagal ng Pampanga na kung tagurian ay “The Poor Boy from Lubao.”

Mga kababayan, kayo na ang humatol sa performance ng dalawang babaeng pangulo. Sa 2022, may mga espekulasyon na sina Leni at Sara ang magbabakbakan. Ngunit may pasubali ang kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Pare, parang bulang mawawala ang kasikatan at karisma ni Sara kapag hindi na nakaupo si PRRD. Tingnan mo ang nangyari sa pamilya ni ex-Pres. Marcos. Suriin mo ang nangyari sa mga political warlord noong araw, gaya ng mga Crisologo sa Ilocos, Dupaya sa Cagayan, Montano ng Cavite. Nang mamatay ang kanilang patriach, nawala rin ang kanilang mga pamilya, may puwesto nga sa gobyerno, pero hindi masyadong mataas na puwesto.”

oOo

Siyanga pala, may 136 na bata na pala ang biktima ng tigdas mula noong Enero hanggang Pebrero 6, 2019. Lumaganap ang tigdas dahil sa takot ng mga nanay na pabakunahan ang mga anak dahil sa takot na nalikha ng Dengvaxia vaccine na sinisi umano ni PAO Chief Persida Acosta na dahilan ng pagkamatay ng mga batang mag-aaral.

Dahil dito, mismong si Pangulong Duterte ang umaapela ngayon sa mga nanay na pabakunahan ang kanilang mga anak ng anti-measles. Iba ito sa Dengvaxia vaccine. Maraming bakuna ang subok na at hindi nakamamatay.

-Bert de Guzman