NAKAKUWENTUHAN namin ang Rainbow’s Sunset producer na si Ms Harlene Bautista kasama ang ilang katoto sa labas ng Valencia, habang umiinom siya ng red wine. Inusisa namin kung paano niya ipinagdiwang ang Valentine’s Day.

Romnick at Harlene

“Nagluto ‘yung panganay kong babae, si Zeke (Sarmenta), tapos kumain kami,” nakangiting sagot ng actress/producer.

Tinanong namin kung may nagmamahal sa kanya.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

“Marami, kumpleto ako. Ha, ha, ha,” masayang sagot ni Harlene.

Tinanong namin nang diretso si Harlene kung may particular person na puwede niyang tukuyin, at natawa siya.

“’Asan na ba ‘yung bote (wine)?” biro niya.

Babanggitin sana namin kung sino, pero bigla niya kaming sinabihan: “Ano ba ‘yang sinasabi mo? Ha, ha, ha, ha. ‘Asan na ba ‘yung bote (ng wine)?”

Sabay sabi, “Oo naman! Eh, kasi ‘yun ang gusto ninyong marinig. Oo (may special someone).”

Kailan niya ito ipakikilala?

“Soon, sa tamang panahon,” sagot ng ex-wife ni Romnick Sarmenta.

First love nina Romnick at Harlene ang isa’t isa, kaya binanggit namin sa kanya na hindi pala totoo ang kasabihang first love never dies.

“Well, it can die, depende sa inyo. Kung hahayaan ninyong mamatay. Eh, namatay,” natawang sambit ni Harlene.

Hindi naman itinanggi ng bunsong kapatid nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Councilor Hero Bautista na inaayos na niya ang annulment nila ni Romnick, at siya raw ang magpa-file.

“Inaayos na, kasi ‘yun naman talaga ang tamang mangyari para nakaayos. Kasi kung hindi, wala kaming freedom,” sabi ni Harlene.

“Malapit ko nang i-file. Nakakapagod din ha, nakaka-drain,” pag-amin niya sa amin.

Handa na ba siyang humarap sa korte para balikan at ungkatin ang lahat ng nangyari sa buhay nila ni Romnick?

“Well, ready or not kailangang mangyari. Mahirap talaga, pero mas mahirap kung wala kang gagawin, ‘di ba?” sabi pa ni Harlene.

Inamin din niya direktang sinasabi sa kanya ng mga anak na nami-miss ng mga ito si Romnick.

“(Sabi nila sa akin) ‘I miss papa’. Mga ganu’n. Natural naman ‘yung mga ganu’n, pero okay naman kami.”

Open daw ang komunikasyon nila ni Romnick pagdating sa mga bata. Sa katunayan, kapag weekends o walang lakad ang aktor ay nagsasabi ito sa kanya na hihiramin ang mga anak nila.

“Napagod ako noon, napagod pa rin ako ngayon,” sabi ni Harlene.

Diretsong tanong namin, biglaang na-fall out of love ba siya kay Romnick?

“Hindi bigla, hindi bigla ito, taon na. Gagawin mo naman ang lahat especially kung kasal kayo, mag-asawa kayo. Gagawin mo lahat, hindi naman ito boyfriend-girlfriend lang na, ‘ayoko na’. Hindi.

“Especially may mga anak kami? I-exhaust mo lahat, gagamitin mo puso mo, gagamitin mo utak mo, minsan gagamitin mo sabay until one day magkakaroon ka na lang ng strength na hindi mo inaasahan. Isang araw na (masasabi mo na lang sa sarili mo) ‘okay na, okay na ‘to’. Napagod ako sa relasyon,” seryosong sagot ni Harlene.

Ang hindi namin matuloy-tuloy na sabihin na rating taga-That’s Entertainment na kasalukuyang nagpapasaya sa kanya ay binanggit ng MMFF PR head na si Noel Ferrer.

Hindi nakasagot si Harlene, at biglang tumungga ulit ng red wine.

“Lasingin n’yo na lang ako. Isang gabi, baka lumabas ‘yan! Ha, ha, ha! Game!,” natawang sagot na lang ni Harlene sa amin.

Samantala, may naglalakad na maging miyembro ng MMFF Execom si Harlene, at malalaman daw ito soon.

-Reggee Bonoan