Nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs at ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P90-milyon halaga ng hinihinalang shabu na nakalagay sa loob ng tatlong muffler, sa Ninoy Aquino International Airport.
Dumating sa bansa noong Disyembre 23, 2018 mula sa California sa Amerika, nabatid na sinuri ng mga examiner ng BoC ang kargamento matapos silang maghinala.
Nang buksan, natuklasan nila ang 13.1 kilo ng hinihinalang shabu na isiniksik sa tatlong muffler.
Ayon sa PDEA, posibleng nanggaling sa Mexico ang kontrabando at dumaan sa pamamagitan ng US border.
Gayunman, wala umanong nag-claim sa NAIA ng nasabing kargamento.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng peke ang pangalan ng idineklarang consignee.
Mina Navarro