Inumpisahan ngayong Sabado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ang pagpapatupad ng traffic rerouting plan, upang bigyang-daan ang full-blast construction ng Skyway Stage 3 project sa ilang bahagi ng NLEX Balintawak.
"Umaapela kami ng pasensiya at pang-unawa ng publiko pero tinitiyak namin na ang mga tauhan ng MMDA, NLEX at Skway ay gagawin ang lahat para bawasan ang delay sa biyahe sa kabila ng konstruksiyon," ani MMDA General Manager Jojo Garcia.
Upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, lalaparan ang ilang bahagi ng NLEX Balintawak at magpapatupad ng traffic rerouting scheme simula sa Lunes, sa ganap na 11:00 ng gabi, hanggang sa katapusan ng 2019.
Ang mga sasakyan mula sa NLEX pa-Quezon City ay maaaring dumaan sa Smart Connect Interchange papuntang Mindanao Avenue. Mula sa Mindanao intersection ay maaari nang kumanan pa-Quezon City patungo sa destinasyon.
Samantala, ang mga pribadong sasakyan, vans, pampublikong jeep mula sa Quirino Highway pa-EDSA via Camachile ay inaabisuhang dumaan sa Camachile flyover, kanan sa West Service Road at kanan sa EDSA.
Para sa mga jeep, kailangang mag-U turn sa Biglang Awa, kanan ng Cloverleaf pa-A. Bonifacio (papuntang Blumentritt) o dumaan sa southeast loop pabalik ng Novaliches.
Dahil hindi na maaaring dumaan sa Camachile ang mga truck mula sa Quirino Highway papuntang A. Bonifacio, inaabisuhan ang mga ito na dumaan sa Mindanao Avenue at kumaliwa sa NLEX Mindanao entry papuntang Smart Connect Interchange pa-NLEX southbound. Ipinaiiral rin ang re-routing sa trucks mula Congressional pa-A. Bonifacio/Port Area.
Para sa mga pribadong sasakyan mula sa EDSA Muñoz pa-Port Area, maaaring dumaan sa Monumento crossing Balintawak Cloverleaf, kaliwa sa De Jesus, diretso ng C3, at sa C3 intersection, kanan ng Port Area.
Bukod sa ilang lanes sa NLEX Balintawak, sarado rin ang rampa mula sa EDSA northbound hanggang A. Bonifacio dahil kabilang ito sa proyekto.
Samantala, hindi naman apektado ng rerouting ang mga trucks na mula NLEX.
Ang Skyway Stage 3 ng San Miguel Corporation, na kukonekta sa NLEX at South Luzon Expressway (SLEX) mula Buendia sa Makati City hanggang Bagong Barrio sa Caloocan City at dadaan sa EDSA Balintawak Cloverleaf, ay inaasahang matatapos sa Disyembre 2019.
Bella Gamotea