Nanawagan si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito sa Department of Transportation na pansamantalang suspendihin ang operasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX, habang hindi pa nakakaisip ang kagawaran ng mas maayos na operational procedures upang maiwasan ang abala sa mga pasahero.
Kinuwestiyon ni Ejercito ang desisyong simulan kaagad ang operasyon ng PITX, sa kabila ng kawalan ng malinaw at maayos na plano sa pangangasiwa rito.
Aniya, dapat na ikonsidera ng DoTr ang pagpapahinto sa operasyon ng PITX, at plantsahin muna ang mga gusot sa operasyon sa pamamagitan ng malawakang public consultation, malinaw na pag-aaral, at praktikal na pagpaplano.
Huling bahagi ng 2018 nang binuksan ng pamahalaan ang PITX bilang first integrated at multi-modal terminal sa katimugan ng Metro Manila.
Para sana ito sa maginhawang paglilipat ng mga pasahero mula sa mga provincial buses na galing sa Cavite at Batangas, sa mga sasakyan na biyaheng Kamaynilaan.
Ngunit iginiit ni Ejercito na simula nang buksan ang PITX ay marami na ang ulat tungkol sa matinding perhuwisyong inaabot ng mga pasahero, na tambak pa ang mga reklamo dahil sa kulang ang mga biyaheng papasok sa Metro Manila mula sa terminal.
“Parang hindi naplano nang maayos. They should have conducted a synchronized planning first before they started operating the PITX,” sabi ni Ejercito.
“Kung talagang hindi handa, baka dapat itigil na muna. Ituloy na lang after ma-review ang proseso at maiayos na para hindi nahihirapan ang ating mga mananakay,” dagdag ng senador.
Kinukuwestiyon din ni Ejercito sa DoTr ang mga ulat na pili lang ang mga kumpanya ng bus na gumagamit sa terminal sa Coastal Road, kaya naman mas pinipili ng mga pasahero na huwag nang gamitin ang PITX.
Hannah L. Torregoza