Naaresto ang itinuturong nagpapatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe na si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.

Daraga Mayor Carlwyn Baldo

Daraga Mayor Carlwyn Baldo

Bandang 2:30 ng hapon ngayong Martes nang maaresto si Baldo makaraang makumpiskahan ng mga hindi lisensiyadong baril at mga bala nang salakayin ang kanyang bahay sa Albay, ngayong Martes ng hapon.

Ayon sa police report sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame, Quezon City, inaresto si Baldo, 48, ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Albay Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office (PRO)-5, Regional Intelligence Unit, at Daraga Municipal Police.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa report, nagpatupad ng dalawang search warrant sa pagsalakay sa bahay ni Baldo sa Lakandula Drive, Barangay Tagas sa Daraga.

Natagpuan ng mga pulis sa bahay ni Baldo ang dalawang walang lisensiya na .45 caliber pistol, isang magazine ng Uzi machine pistol na may pitong bala, isang bala ng Grenade Launcher M203, walong bala ng .45 caliber pistol, at isang bala ng M16 rifle.

Narekober din ng pulisya ang isang puti na Isuzu Alterra (BCW-941) na kabilang sa mga subject ng search warrant.

Ayon kay PRO-5 Director Chief Supt. Arnel Escobal, isa ang Alterra sa mga sasakyang ginamit ng mga suspek sa pamamaslang sa kongresista at sa police security nitong si SPO2 Orlando Diaz nitong Disyembre 22.

Una nang naaresto o sumuko ang anim sa grupo na umano’y binuo upang paslangin si Batocabe. Matatandaang magkakahiwalay na itinuro ng anim si Baldo na nag-utos sa kanilang patayin ang kongresista.

Dadalhin si Baldo sa tanggapan ng CIDG sa Albay, ayon sa police report.

Martin A. Sadongdong