Pacman, humirit pa ng workout bago ang weigh-in
LAS VEGAS – Walang makapipigil kay Senator Manny Pacquiao pagdating sa diskarte niya para ihanda ang sarili at kaisipan sa bawat laban.
Muli, binalewala ng eight-division world champion ang babala ng training team na ipahinga ang sarili dalawang araw bago ang nakatakdang pagdepensa sa kanyang World Boxing Council (WBC) at sumingit ng workout sa SkyLofts suite ng MGM Grand nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Sa edad na 40, nakatakda niyang harapin ang mas batang si American challenger Andrien Broner sa Sabado (Linggo sa Manila).
Imbes na magsiesta, nagpapawis ang fighting Senator.
At kagyat niyang ibinasura ang kinatatakutan ng marami – burn out.
“I felt lazy doing nothing,”pahayag ni Pacquiao matapos ang light training session na kinasangkutan ng pagtakbo sa track oval at stomach exercises sa weights room.
Iginiit ni Pacquiao na hindi niya sinobrahan ang ensayo para sa unang pagdepensa sa kanyang welterweight title.
“It wasn’t a heavy workout, just light (training),” pahayag ni Pacquiao, sinamahan ng kanyang mga kaibigan mula sa California at ilangmiyembro ng LAPD.
Sa tuwina, nilalagyan ng limitasyon nina head trainer Buboy Fernandez at fitness coach Justin Fortune ang bawat pagsasanay ni Pacquiao dahil na rin sa pangamba na ma-burn out ang Pambansang Kamao.
Ngunit, iginiit ni Pacquiao, tulad sa mga nakalipas na laban, kontrolado niya ang sarili at kaisipan para sa ika-28 na laban sa US.
Nauna rito, pormal na isinapubliko nina hall-of-fame trainer Freddie Roach at Fernandez ang kanilang pangamba na magamit sa pandaraya sa oras ng laban ang labis na kapal ng balbas niBroner.
Sinabi ni Roach na irereklamo niya ito sa Nevada State Athletic
Commission, na pinamumunuan ni Bob Bennett. Sa panayam ng Manila Bulletin, sinabi ni Bennett na ipinag-utos nila sa kampo ni Broner na ahitin ito sa oras na laban.
Mismong ang co-trainer ni Broner na si Mike Stafford ang nagsabi na nakatakdang magpa-salon ang American four-time world champion.
Ipinagkibit-balikat naman ni Pacquiao ang naturang isyu.
“It’s the coaches’ idea. No problem with me,” aniya.
Aniya, may balbas o wala, wala itong pake sa mga bagay na hindi aniya siya apketado.
“With or without it, I will fight him. I am not the type of guy who complains,” pahayag ni Pacman.
-NICK GIONGCO