WALANG kagatul-gatol ang pahayag ni Pangulong Duterte: Isang Executive Order (EO) ang kanyang lalagdaan sa lalong madaling panahon hinggil sa total ban ng mga paputok o firecrackers sa buong bansa. Naniniwala ako na ang paninindigan ng Pangulo ay nakaangkla sa katotohanan na katakut-takot ang mga nasusugatan at namamatay sa walang habas na pagpapaputok ng malalakas na rebentador tuwing ipinagdiriwang natin ang Pasko at Bagong Taon.
Isang EO ang magugunitang nilagdaan ng Pangulo noong 2017 kaugnay ng nabanggit ding mga kadahilanan. Dangan nga lamang at ang naturang direktiba ay nagtakda ng mga limitasyon; ang pagpapaputok ng rebentador ay kailangan lamang isagawa ng mga mamamayan sa mga community firecrackers display area upang maiwasan o mabawasan ang mga nasusugatan. At ang ganitong aktibidad ay dapat pangasiwaan ng mga alagad ng batas.
Totoong mapanganib ang mapangahas na pagpapaputok hindi lamang ng baril kundi ng lahat ng uri ng rebentador. Isipin na lamang na libu-libo na ang nasusugatan simula pa lamang nang ang gayong aktibidad ay maging bahagi ng buhay ng sambayanan. Lagi nating pinaniniwalaan na ang pagpapaputok ay isang paraan ng pagtataboy ng demonyo at iba pang masasamang espiritu; ito ay pilit isinasagawa kahit na maging dahilan ng pagkabulag; pagkaputol ng mga daliri at pagkalasog ng mga laman.
Sa pagpapalabas ng naturang EO – kung hindi magkakaroon ng matinding balakid na maaaring may kaakibat na pamumulitika – ganap nang ipinagbabawal ang mga paputok. Tulad ng dapat asahan, ganap na ring ipasasara ang mga firecracker factories. Isa itong mistulang pagpatay sa isang industriya na pinagkakakitaan ng ating mga kababayan; magiging dahilan ng pagkawala ng trabaho ng marami, na talaga namang umaasa lamang sa naturang firecracker industry para sa kabuhayan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Tulad ng dapat isagawa, ang planong EO ay marapat lamang repasuhin ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno – tulad ng Department of Justice (DoJ) – upang matiyak na ito ay hindi lumalabag sa makataong adhikain hinggil sa katarungang panlipunan na dapat ipagkaloob sa sambayanan. Kaakibat ito ng oportunidad sa ating mga kababayan na makatawid sa pagkagutom at sa kawalan ng hanapbuhay.
Sa madaling salita, ang ganap na pagbabawal sa mga paputok ay hindi dapat mangahulugan ng masyadong pagkadehado ng ating mga kababayan na hanggang ngayon ay nakalugmok sa karalitaan.
-Celo Lagmay