TRABAHO lang, walang personalan.

Sa ganitong pananaw, itinatawid ni Makati Congressman at dating taekwondo champion Monsour del Rosario ang responsibilidad bilang Chef de Mission ng Team Philippines para sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa Manila.

Sa kabila ng katotohanan na mistulan siyang ‘saling-pusa’ sa isinasagawang paghahanda ng Philippine Olympic Committee (POC) sa hosting ng biennial meet, iginiit ni Monsour na tuloy lang lang ang kanyang trabaho alang-alang sa tagumpay ng atletang Pinoy sa biennial meet.

Nakatakda ang SEA Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa tatlong venue – Subic, Clark Freeport at Manila.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sa totoo lang, wala akong pinanghahawakan na detalye, regarding sa preparasyon natin sa SEA Games. Hindi ko alam, dahil hindi naman ako isinasama sa kanilang mga meeting. Ayoko naman na ipagsiksikan ko ang sarili, eh! baka iba talaga ang diskarte ng bagong grupo sa POC,” pahayag ni Monsour, naging kinatawan ng bansa sa Asian Games at Olympics.

Ang 50-anyos taekwondo champion ay naging Chef De Mission ng Team Philippines sa matagumpay na kampanya sa 2018 Asian Indoor and Martial Arts Games sa Turkimistan (2-14-14 medals), ay itinalagang Chef de Mission sa 30th SEA Games ni Jose ‘Peping’ Cojuangco.

Ngunit, nang palitan ni Ricky Vargas si Cojuangco sa POC election na ipinag-utos ng Pasig court nitong Hunyo, kaagad na inalis si Monsour, subalit pinabalik din kalaunan.

“Yung credentials ko naman po ay hindi matatawaran, pero naghihintay lang po ako ng utos ng aking mga Boss sa POC. So far, nakikibalita lang ako sa ilang mga opisyal kasi, wala akong direktang kaalaman sa nagaganap,” pahayag ni Monsour.

Gayunman, handa si Monsour na balikatin ang mga responsibilidad para masiguro ang tagumpay ng atletang Pinoy sa darating na SEA Games.

Iginiit niMonsour sa mga opisyal ng national sports association na tigilan na ang bagayan at hidwaan para maging kampante ang paghahanda sa pinakamalaking torneo ngayong taon.

“The Filipino athletes are talented enough to be the best in Southeast Asia, but we still have a lot of work to do to win the gold medals,” pahayag ni Monsour sa kanyang pagbisita sa “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club sa Intramuros.

“As host nation, we have to do our best to win as many gold medals as possible,” sambit ni Monsour.

Aniya, target niya na gabayan ang mga atleta para maduplika hindi man mahigitan ang tagumpay ng bansa sa 2005 SEA Games kung saan nakamit ng Pinoy ang overall championship.

“Sa SEAG, ang labanan dito gold medal, kaya target natin maging champion ulit,’ aniya.

-Edwin Rollon