SA pagkakalutas ng pagpaslang kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at sa kanyang police escort na si PO1 Orlando Diaz, nagpahayag ng kasiyahan ang mga kasapi ng Kamara sa pangunguna ni dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Bumilib at pinuri niya ang Philippine National Police (PNP).

Naniniwala ang taumbayan na isa sa mga dahilan ng mabilis na pagkakalutas sa double murder, na ang pinagbibintangang mastermind ay ang alkalde ng Daraga, Albay, ay bunsod ng malaking pabuya na ibibigay sa sinumang makapagtuturo o makatutulong sa pagkakakilanlan at pagdakip sa mga salarin.

Ang pabuya ay tumataginting na P50 milyon. Noong una, P30 milyon lamang ito at kasama na rito ang kontribusyon ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan na labis ang galit at kalungkutan sa pagkamatay ng kasamahan nilang kongresista.

Sana naman ay mapanagot ang tunay na mga salarin sa kahindik-hindik na pagpaslang sa isang mambabatas habang ito ay namimigay ng regalong pamasko sa mga senior citizen at may kapansanan. Pulitika ang umano’y motibo ng pagpatay kay Batocabe. Siya ay kandidato sa pagka-Mayor ng Daraga, Albay sapagkat tapos na ang kanyang termino bilang kongresista.

oOo

Kung si House Majority Leader Rolando Andaya Jr. ang paniniwalaan, maaaring maharap sa kasong plunder o pandarambong at tax evasion ang construction firm ng mga in-laws o balae ni Budget Sec. Benjamin Diokno dahil sa pagkakaroon ng may P50 milyong share o hati sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Nagdaos ng pagdinig ang House rules committee na pinamumunuan ni Andaya sa Naga City tungkol sa umano’y pagkakaroon ng mga kontrata ng Aremar Construction Company, pag-aari ng in-laws ni Diokno sa mga proyekto sa flood control ng gobyerno. Mariing itinanggi ni Andaya ang alegasyon sa mga balae ni Diokno at maging ng DBM secretary.

Nag-aabang ang mga Pinoy kung ano ang magiging reaksiyon o desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa kinakaharap na usapin ng kanyang Budget Secretary. Noon, paulit-ulit na sinasabi ni PRRD na agad-agad niyang sisibakin ang sinumang hepe ng departamento o ahensiya ng gobyerno kahit sa katiting na isyu ng kurapsiyon o “just a whiff of corruption.”

oOo

Kahit papaano, bumaba ang inflation nitong Disyembre. Batay sa Philippine Statistic Authority (PSA), bumagsak ang inflation mula sa dating 6% at ngayon ay 5.1% na lang, kung kaya ang full-year average ay naging 5.2%.

Ang inflation ay nangyayari kapag nagsitaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ayon sa PSA, ang slowdown o pagbagal ng inflation nitong Disyembre 2018 ay bunsod na bahagyang pagbaba ng halaga ng mga bilihin.

Umaasa ang mga Pilipino na ngayong 2019 ay patuloy na bababa ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, lalo na ngayong bumaba na ang presyo ng produktong petrolyo. Umaasa sila na ang pagpapataw ng panibagong excise tax sa petrolem products ay hindi magbubunsod ng pagsirit ng halaga ng binibili nilang pagkain, bigas, at iba pang pangangailangan.

-Bert de Guzman