Arestado ang lima umanong tulak ng ilegal na droga sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Police Chief Supt. Joselito T. Esquivel, Jr. ang tatlong unang suspek na sina Juanito Silvanio, 42; Francis Atienza, 43; at Alvin Songalia, 20, pawang residente ng Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Sa ulat ni Police Supt. Joel Villnueva, commander ng Batasan Police Station (PS6), isinagawa ang buy-bust operation, sa pamumuno ni Police Chief Inspector Sandie Caparoso, sa No. 220 Don Faustino Street, Bgy. Holy Spirit, dakong 6:00 ng gabi.
Nakumpiska sa mga suspek ang anim na pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.
Pagsapit ng 10:00 ng gabi, naaresto ng mga operatiba ng Talipapa Police Staion (PS3) ang dalawa pang suspek sa Papaya St., Luzon Avenue, Bgy. Culiat.
Sa report ni Police Supt. Alex Alberto, commander ng QCPD-PS3, kinilala ang mga suspek na sina Rex Remano, 34; at Elmer Ramos, 30, kapwa ng Bgy. Culiat.
Nasamsam sa dalawa ang anim na pakete ng umano’y shabu, marijuana, at buy-bust money.
Nakapiit ang mga suspek sa QCPD-PS6 at QCPD-PS3 at kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Jun Fabon