SIGURADONG lalabas ang pagiging “asintadong militar” ni Senator Gregorio Honasan, ang magiging bagong bossing ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kapag “binaril” niya agad ang ipinagduduldulang panukala ni presidential adviser on Economic Affairs and Information Technology Communications Ramon “RJ” Jacinto, na limitahan lamang sa dalawa ang kumpanya na magtatayo ng mga cell site tower sa buong bansa.
Ang bulung-bulungan sa industriya ng telecommunication, sadyang itinalaga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte si Honasan upang harangin at magdagdag ng mga kailangang pagbabago sa draft policy – ang baby ng lodi kong rocker na si RJ - na nagtatakda ng limitasyon sa mga independent tower company na maire-register sa National Telecommunication Commission (NTC).
Kinumpirma ito ni Department of Information and Communications Technology (DICT) acting head Eliseo Rio, na todo ang suporta ni Sen. Honasan sa mga telco player na kumakalaban sa draft policy ni RJ. Lalo na nang maliwanagan nito na sandamakmak na kaso ang aabutin ng DICT kapag ipagmamatigasan nito ang draft policy ni RJ.
“I have talked with Sen. Honasan and he is just awaiting the confirmation from the Commission on Appointment,” ang sabi ni Rio.
Sa ilalim kasi ng “draft version” ng probisyong ito ni RJ, dalawa lamang na independent tower companies ang maaaring mairehistro sa NTC sa loob ng unang apat na taon, sa panahon nang pagpapatupad ng tinatawag na “common tower policy”. Pagkaraan lamang ng panahong ito muling tatanggap ng mga bagong magpaparehistro ang NTC – ngunit ang catch dito – “kung kinakailangan pa at sa mga malalayong lalawigan lamang”.
Nangunguna sa mga tumututol sa panukalang ito ni lodi RJ ay ang mga foreign tower company na gustong makapasok sa negosyong ito sa bansa, ang dalawang dambuhalang kumpanya ng PLDT at Globe, at ang Philippine Competition Commission (PCC).
Itinutulak ng PCC ang pagbuo ng mas maraming “independent tower companies” na magtatayo ng mga cell site -- halos aabot sa 50,000 cell site tower ang kailangan -- upang mapabilis ang internet connection sa buong bansa, at ang mga tower na ito ay maaaring pagsaluhan ng mga telco operators.
May mga grupo naman ng mga negosyante na “tinataasan ng kilay”ang ipinagpipilitang ito ni RJ – alam na alam kasi sa mundo nila na ang negosyo ng pamilya nito ang isa sa pinakamalaki sa steel making industry. Katwiran ng mga negosyante – ‘di naman kahoy ang ginagamit sa paggawa ng mga cell site tower kundi matitigas na steel, mga bakal -- na pangunahing produkto ng kumpanya ng pamilya ni RJ, ang lodi ng mga “Baby Boomers” na katulad ko.
Komento pa nga ng paborito kong broadcaster na si Ka Rene Sta Cruz ng “Bigtime Balita” sa DZBB, nang magkakuwentuhan kami sa kanyang bulaluhan na Alhambra Grill sa may Sct Rallos sa Quezon City : “Aba’y parang may sumisingaw na malansang amoy sa draft policy ng paborito kong rocker-singer!”
Sa bagay na ito, ganito ang halos iisang tinig na naririnig ko sa ating mga kababayan na laman ng mga bangketa at kalsada: “Maraming delicadeza, ‘di lamang katiting, ang kailangan na baon ng mga negosyanteng nabibigyan ng pagkakataon na magsilbi sa ating bayan – kalimutan muna ang isusuksok sa kanilang mga pitaka at bulsa. Iwaksi ang pagsasamantala at ang kapakanan ng bayan ang unahin kapagdaka.”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.