KABUUANG 12 koponan – babae at lalaki – ang sasabak sa huling hirat ng beach volleyball community sa pagpalo ng Beach Volleyball Republic On Tour December Open 2018: A Christmas Rally ngayon sa Sands SM By The Bay.
Ang tatlong araw na torneo ay magtatampok din sa Sandroots program, isang beach volleyball camp para sa kabataan.
Pakakaabangan din ang regalong ‘celebrity match’ na isang fund-raising event kung saan benepisaryo ang Mindanao State University College of Sports, Physical Education and Recreation Academy sa Marawi City.
Batay sa tournament format, hahatiin sa tigtatlong koponan sa isang grupo ang mga kalahok at ang mangunguna sa bawat grupo ay uusad sa knockout quarterfinals.
Ang mananalo ay uusad sa semifinals at ang magwawagi ang siyang maghaharap sa Finals.
Magsisimula ang aksiyon ganap na 8:00 ng umaga.
Sa women’s side, ang Group A ay binubuo ng BanKo-Perlas 1, Air Force 1 at National University-Boysen, habang magkakasama ang University of Santo Tomas-Maynilad 1, Creamline at Wild Card sa Group B.
Magkakasama naman sa Group C ang UST-Maynilad 2, Malaya-Far Eastern University at Air Force 2, habang magkakasama ang BanKo-Perlas 2, PetroGazz at Rizal Technological University sa Group D.
Samantala, liyamado ang Tiger Winx, kampeon sa Dumaguete leg, sa men’s division.
Sabak din ang Cignal, PLDT at Luna, Air Force, Fury-Ritemed, Malaya, NU-Boysen at dalawang Wild Card teams.