Inisyuhan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest si Rappler Holdings Corporation (RHC) Chief Executive Officer Maria Ressa, dahil sa kinakaharap nitong tax evasion.
Kusa namang sumuko at kaagad na nagpiyansa kahapon ng P60,000 si Ressa upang makaiwas sa pag-aresto.
Si Ressa, na executive editor din ng Rappler, at ang RHC ay una nang sinampahan ng Department of Justice (DoJ) ng limang magkakahiwalay na tax evasion cases sa Court of Tax Appeals at sa Pasig City RTC.
Nag-isyu naman si Hon. Judge Danilo Buemio, ng Pasig RTC Branch 265, ng arrest warrant para kay Ressa sa paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code of 1997, at nagtakda ng P60,000 piyansa.
Ang RHC ang may-ari ng news website na Rappler, na naharap kamakailan sa ilang asunto, kabilang ang pagbawi ng pamahalaan sa license to operate (LTO) nito noong Enero, cyber libel complaint, at tax evasion cases.
Una nang nanindigan si Ressa na walang basehan ang mga kasong inihain laban sa kanya at sa Rappler.
-Mary Ann Santiago