MARKADO ang pagsampa sa Final Four ng University of the Philippines. Kung hindi magbabago ang ikot ng kapalaran, kasaysayan ang naghihintay sa Fighting Maroons.
Pinatunayan ng Diliman-based cagers ang pananalaytay ng katapangan sa katauhan ng Maroons nang malusutan ang top seed Adamson University sa makapigil-hiningang 73-71 desisyon at maipuwersa ang do-or-die sa UAAP Season 81 semifinal match-up nitong Sabado sa MOA Arena.
Naisalpak ni Bright Akhuetie ang undergoal shot mula sa pasa ni Juan Gomez de Liano may 2.6 segundo ang nalalabi para maagaw ang bentahe at makamit ang panalo na bumuhay sa kampanya na makausad sa championship round sa unang pagkakataon mula noong 1986.
Gipit na sa oras ang Falcons para maagaw ang panalo sa hail mary shot ni Jonathan Espeleta at lutang ang bilang ng UP fans na nagdiwang, habang luhaan na lumabas ng court ang Falcons at mga tagahanga.
Ito ang unang Final Four match ng UP mula noong 1997.
“I was really praying for wisdom on what play we’re gonna call. That particular play was a quick hitter that we practice most of the time,” pahayag ni UP coach Bo Perasol.
“I reminded them that we do that in practice everyday, it just so happened that we were able to do that here,” aniya.
Maagang nadomina ng Fighting Maroons ang tempo ng laro at nagawang makaabante sa 13 puntos, sa pangunguna ni Paul Desiderio.
Ngunit, ang inaasahang one-sided match ay nauwi sa dikdikang duwelo nang makahabol ang Falcons at makipagpalitan ng baskets sa bawat pagkakataon.
Naisalpak ni Sean Manganti ang magkasunod na baskets para ibigay sa Falcons ang 69-65 bentahe may 2:20 ang nalalabi sa laro.
Nagpalitan ng bentahe ang magkabilang panig hangang sa huling puntos ni Akhuetie na nagsilbing game-winner para makahirit ng winner-take-all ang UP sa Miyerkules sa Araneta Coliseum.
“I told them that this happened to us before, I told them that we have to go through this, either we win or lose, it’s a matter of learning from this,” sambit ni Perasol.
Nanguna si Desiderio sa UP na may 19 puntos, habang kumana si Gomez de Liano ng 19 puntos, anim na rebounds at dalawang steals. Kumubra lamang si Akhuetie ng anim na puntos, kabilang ang pinakaimportanteng opensa sa laro.
Nanguna si Papi Sarr sa Falcons na may 23 puntos at siyam na rebounds.
Iskor:
UP 73 – Desiderio 19, Gomez de Liano Ju 19, Manzo 9, Gomez de Liano Ja 9, Akhuetie 6, Prado 4, Dario 3, Jaboneta 2, Vito 2, Murrell 0, Gozum 0, Lim 0, Tungcab 0
ADAMSON 71 – Sarr 23, Manganti 15, Ahanmisi 9, Camacho 8, Lastimosa 7, Espeleta 5, Magbuhos V 4, Pingoy 0, Mojica 0, Catapusan 0, Bernardo 0
Quarters: 17-16, 28-29, 54-43, 73-71