ANG mga mahilig sa pagbabangayan ng mga pulitiko tuwing nalalapit na ang halalan, lalo na rito sa Metro Manila, ay siguradong nakatutok na sa mga kakandidato sa pagka-alkalde sa Makati City, na pinangungunahan ng magkapatid na Binay, na kapwa nagpahayag na tatakbo – bilang magkalaban -- sa puwestong halos tatlong dekada na ring hawak ng kanilang angkan.
Nakita ito na “weak point” ng kalabang partido na PDP-LABAN, kaya agad binatikos ang incumbent Mayor na si Abigail “Abby” Binay at ang kapatid nitong naging dating Mayor na si Jejomar Erwin “Junjun” Binay – kaya umpisa na ito ng bakbakan.
Sigaw ng tatakbong Mayor na si Willy Talag, ang kasalukuyang secretary general ng PDP-LABAN, at ang partner nito bilang Vice Mayor na si Robert Lantin, isang retired Air Force colonel: “Paano makakamit ang pagbabago sa Makati kung sila mismong magpapamilya – ang Binay family – ay ‘di magkasundo at nag-aaway sa ngalan ng pulitika? Siguradong walang katiwasayan, at kapalpakan lang ang patutunguhan ng kanilang pamamalakad.”
Pero para sa akin medyo mali ang basa ng oposisyon sa Makati sa sitwasyong ito dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na isang plano ito upang makasiguro ang pamilya Binay na hindi mapupunta sa ibang kandidato ang Makati. Naniniwala kasi silang may kanya-kanyang supporter ang magkalabang magkapatid na sobra-sobra upang dalhin sila sa panalo.
Sinalungat naman ang paniwala kong ito ng isang kaibigan kong retiradong opisyal ng pulis sa Makati: “Bagsak sigurado ang Binay sa desisyon nilang ‘yan kasi mahahati ang boto ng mga taga-suporta nila, kaya siguradong mauungusan sila ng kanilang makakalaban.”
Sa isang Media Forum nitong Biyernes sa may Visayas Avenue, Quezon City humarap sa mga miyembro ng media ang buong puwersa ng mga pambato ng PDP-LABAN na tatakbo sa Makati sa darating na halalan, at dito ay magkakasabay nilang “binato” ang magkapatid na Binay na kinailangan pang mag-away-away dahil lamang sa puwesto.
Binanatan agad ni Talag ang “haligi” ng Binay Dynasty sa Makati sa kawalang aksyon nito sa paglalaban ng mga anak sa larangan ng pulitika, gayung siya dapat ang maging instrumento para manatiling buo ang kanilang pamilya at ‘di magkawatak-watak kahit na magkakaiba ang prinsipyong pampulitika ng isa’t isa. “Paano nila aayusin ang Makati kung sila-silang magkakapamilya e, naglalaban,” pagdidiin ni Talag.
Ayon sa mga ito, patuloy sa paghihikahos ang mga taal na mamamayan sa Makati dahil sila mismo ay hindi nakikinabang ng direkta sa mga naglalakihang negosyo na ipinagmamalaki ng Binay Dynasty sa lungsod ng Makati.
Ang banat naman ni Colonel Lantin: “Ang mahirap ay nananatiling mahirap pa rin sa loob ng 33-taong pamamahala ng pamilyang BINAY, kaya kailangan ay mabago na ang sistema sa Makati na ang isa sa adhikain ni President Rodrigo Duterte ay mapagserbisyuhan ang mamamayan at makasabay din sa pag-unlad sa kabuhayan ang mga naghihirap na mamamayan.”
Ang puntong ito ang nakaapekto sa akin – karamihan umano sa mga taga-Makati ay hindi sa siyudad nila pinalad na makapagtrabaho, bagkus kinailangan pa ng mga itong bumiyahe patungo sa ibang lugar, kung saan sila natanggap bilang mga empleyado.
Kung totoo ang alegasyong ito – dapat na talagang mag-isip-isip ang mga botante sa “Financial Capital” ng Metro Manila at putulin na ang political dynasty na ilang dekada na rin nilang pinagtitiwalaan ng kanilang mga boto.
Ang aking payo sa mga botante – tanggapin ang pera mula sa mga kandidatong namimili ng boto, ngunit huwag iboto ang mga ito, dahil kapag sila ang nanalo, siguradong babawiin ng mga ito ang lahat ng ginastos sa kaban ng bayan ng Makati.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.