Buhain, 5 pang ex-GAB chair pararangalan sa WBC ‘Awards Night’

Ni EDWIN ROLLON

NAKATUON ang pansin ng buong komunidad ng boxing sa Pilipinas para sa tatlong araw na pagtitipon ng mga natatanging personalidad sa sports sa gaganaping 3rd World Boxing Council (WBC) Women’s Convention and WBC Asian Summit na magsisimula ngayon hanggang Lunes sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

wbc

Sa pangunguna ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, punong-abala sa pagdiriwang ang Games and Amusement Board (GAB) para sa tinatayang 500 delegado mula sa 17 bansa na makikiisa sa pagpupulong at pagdiriwang sa tagumpay ng boxing.

Katuwang sa paghahanda sina GAB Commissioners Mario Masanguid at Atty. Eduard Trinidad, gayundin sina finance/administration Ofie Retardo at boxing chief Jun Bautista.

“Hosting both the WBC Women’s Convention and WBC Asian Summit is another feather to the cap of the Philippines,” pahayag ni Mitra.

“We are ready to roll out the red carpet to welcome our foreign guests and show them the Filipinos’ world-class hospitality,” aniya.

Sa pamumuno ni Mitra, tinanghal na ‘Commission of the Year’ ang GAB sa ginanap na WBC Convention in Baku, Azerbaijan sa nakalipas na taon.

“Nakakataba ng puso, lalo na at yung programa nating ‘free medical test’ sa ating mga boxers at pro athletes ay ginamit na template ng WBC para sa iba pang miyembro,” sambit ng dating Palawan Governor at Congressman.

Pangungunahan nina WBC President Mauricio Sulaiman, WBC International Secretary and WBC Cares International Chairperson Jill Diamond at WBC Women’s Championship Committee Chairman Malte Muller- Michaelis ang mga panauhin na dadalo sa convention, orihinal na nakatakda sa Culiacan, Mexico bago napagpasiyahan na isagawa sa Manila.

Magsisilbing tampok na programa ang ‘Gala Dinner and Awards Night’ ngayong gabi kung saan nakatakdang magbigay ng kanilang mga mensahe sina OPBF president Tsuyoshi Yasukochi ng Japan,at WBC Asian Boxing Council and WBC Muay Thai president Gen. Khovid Bhakdibhumi ng Thailand.

Bibigyan ng pagkilala ng WBC ang mga dating GAB Chairman tulad nina Juan Ramon Guanzon, Eduardo Villanueva, Dominador Cepeda, Francisco Sumulong, Alberto Antonio at swimming champion at PSC Chairman Eric Buhain.

Pararangalan naman ang mga Pinoy na dating WBC titleholders tulad nina Rene Barrientos, Erbito Salavarria, Rolando “Bad Boy” Navarrete, Frank Cedeno, Luisito Espinosa, Rolando Pascua, Gerry Penalosa, Malcolm Tunacao, Brian Viloria, Rodel Mayol, Nonito Donaire, Sonny Boy Jaro at Senador Manny Pacquiao.

Tatanggap naman ng ‘Posthumous awards’ sina dating WBC president Justiniano Montano Jr., at Secretary- General Rodrigo Salud. Ang dalawang Pinoy boxing icon ang nagbuo ng by-laws and constitution ng WBC. May parangal din sa namayapang sina Boxing Hall of Fame promoter Lope “ Papa” Sarreal, GAB chairman Luis Tabuena at WBC champions Flash Elorde at Pedro Adigue.

Nasa listahan din ng VIPs ang siyam na WBC champions sa kasalukuyan na sina Superwelterweight champion Mia St. John, Heavyweight Alejandra Jimenez of Mexico, Middleweight Christina Hammer ng Germany, Featherweight Jelena Mrdjenovich ng Canada, Superbantamweight Fatuma Zarika ng Kenyam Bantamweight Mariana Juarez ng Mexico, Lightflyweight Yesenia Gomez ng Mexico, Atomweight Fabiana Bytyqi ng Czech Republic at Atomweight Brenda Flores ng Mexico.