Habang isinusulat ito, pumalo na sa 30 ang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa Italy, kung saan 12 katao ang namatay sa isla ng Sicily.
Nadiskubre ang mga bangkay ng isang pamilya, kabilang ang tatlong bata na may edad 1, 3 at 15, sa baybaying bayan ng Casteldaccia, matapos na bumigay ang mga river bank sa lugar.
Ayon sa mga rescuers, nalubog sa baha at putik ang bahay na tinutuluyan ng pamilya na kinabibilangan ng mga biktima nasa edad 32-65.
Inilarawan naman ni Sicilian prosecutor Ambrogio Cartosio na “total disaster” ang lugar matapos nitong lumipad pa Casteldaccia, nitong Linggo.
Samantala, isa pang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa loob ng kanyang sasakyan malapit sa Vicari sa rehiyon ng Palermo sa Sicily, habang nawawala ang kasama nito.
Mahigit 20 katao ang nasawi sa Italy nitong mga nagdaang araw dulot ng malakas na hangin at ulan.
Nananatili naman sa high alert status ang anim na rehiyon ng bansa dahil sa bagyo.
Nitong Linggo, matapos ang pag-iikot sa kanyang lugar, sinabi ni Veneto region, Governor Luca Zaia na nasa mahigit 100,000 ektarya ng pine forest ang nasira ng bagyo.
Hindi rin nakaligtas sa bagyo ang canal city ng Venice, sa hilagangsilangang bahagi ng Italy, na nakaranas ng pinakamatinding pagbaha sa kasaysayan.
Inilarawan naman ng Italy’s civil protection agency ang bagyo bilang “one of the most complex meteorological situations of the past 50 to 60 years.”
Kaugnay nito, nagpaabot ang Pilipinas ng simpatya, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa mga pamilya ng mga namatay sa bagyo.
Sa ulat ni Ambassador to Italy Domingo P. Nolasco sa DFA, walang iniulat na Pilipinong kabilang sa mga namatay.
-AGENCE FRANCE-PRESSE, ulat ni Bella Gamotea