SOLOMONIC solution daw ang naging pasiya ni dating Vice President Jejomar Binay sa mga nagtutunggaling anak para alkalde ng Makati City. Ang anak niya kasing si re-electionist Mayor Abby Binay ay lalabanan ng nakababatang kapatid na si Junjun Binay. Nakiusap si Junjun kay Abby na pagbigyan naman siya tulad ng pagpapaubaya niya dito noong nakaraang halalan. Pero, wala kasing nagawa ang mga Binay kundi ikandidato noon si Abby dahil kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Junjun nang siya ay nakaupong alkalde at tinanggal sa serbisyo sa pagkakasangkot niya sa anomalya hinggil sa pagpapagawa ng bagong city hall. Hindi siya nagtagumpay na mapigil ang naging desisyon ng Ombudsman nang iapela niya ito sa Court of Appeals at humingi ng temporary restraining order. Kaya, hindi totoo na nagparaya si Junjun kay Abby. Si Abby ang naging remedyo sa nangyari kay Junjun upang may lumaban sa ipinalit sa kanya na taga-Liberal Party. Naiulat na binaligtad ng Court of Appeals ang desisyon ng Ombudsman, kaya kuwalipikado na namang tumakbo si Junjun at pinag-iintresan niyang makabalik sa pwesto kahit ang sasagasaan na niya ay ang nakatatanda niyang kapatid na si Abby. Ayon sa kanilang ama, na si dating VP Binay, hinggil sa pag-aagawan ng dalawa niyang anak sa posisyon,“Nasa sapat na silang gulang at makapag-iisip na sila para sa kanilang sarili,” sabi ng dating Bise Presidente. Bahala na, aniya, ang taumbayan ng Makati na magpasiya kung sino sa dalawa ang magiging alkalde sa darating na halalan. Pinayuhan niya ang dalawa na maging halimbawa ng marangal at malinis na halalan. Para bang ang dalawa lamang ang naglalabang kandidato sa pagka-alkalde ng Makati.
Ganito nga ang nangyari sa ginawa ng mga Binay. Mula nang ilabas ng dalawang magkapatid ang umano’y kanilang alitan at pag-aagawan sa pwesto, pinagpistahan na sila ng media. Natabunan ng ingay at gulo na kanilang ginawa ang anumang balita hinggil sa kanilang iba pang makakalaban. Sa paghahain pa lang ng Certificate of Candidacy (COC) ay malaki na ang lamang ng mga Binay sa pagpapalaganap ng kanilang kandidatura. Bukod kina Abby at Junjun Binay na nagpaalam na ng kanilang kandidatura, nagawa na ring iparating ni VP Binay sa publiko na siya ay kandidato sa pagka-kongresista sa unang distrito ng Makati habang si Sen. Nancy Binay, ay tatakbo ulit sa eleksyon. Kaya, higit na nakinabang sa ginawa nina Abby at Junjun, ay si Sen. Nancy Binay. Sumama pa ito nang isumite ni Junjun ang kanyang COC sa Comelec. Sa Pebrero pa ng darating na taon ang simula ng kampanya para sa mga senador at Party-list representative, pero ngayon pa lang kaaga ay nakapangampanya na si Sen. Binay. Malaki na ang lamang niya sa kanyang mga kalaban na magsisimula pa lang magpakilala sa publiko sa susunod na taon.
Tsubibo lang ang ginawa ng mga Binay. Nang samahan ni VP Binay si Abby nang magpa-file ito ng kanyang COC sa Comelec, siya lang talaga ang kandidato. Ang naging papel ni Junjun ay para mapabilis at mapasigla ang ikot ng tsubibo.
-Ric Valmonte