NAKIKIISA ang Pilipinas sa mundo sa pag-alala at pagbibigay pugay sa mga guro para sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day. Ginugunita ang paglagda sa 1966 recommendation ng UN Educational and Cultural Organization (UNESCO) at International Labor Organization (ILO) sa mga pamantayan sa polisiya, edukasyon at pagsasanay, trabaho at kalagayan sa trabaho ng mga guro. Ito ay nakatuon sa “appreciating, assessing, and improving the educators of the world.”

Ang mga guro sa Pilipinas ay espesyal sa puso ng mga tao, dahil sila ang unang tao sa labas ng tahanan na humubog sa isip ng mga bata sa public school system. Pinahahalagahan natin ang libreng edukasyon na nagnanais na matulungan ang mga bata sa bansa hanggang sa high school, at nais nating palawigin ang sistema upang maisama ang kolehiyo sa pamamagitan ng ating state universities and colleges.

Matagal nang pinakikiusapan ng ating mga guro ang gobyerno sa iba’t ibang dahilan. Nito lamang nakaraang buwan, hiniling ng Department of Education, bilang kinatawan, sa Government Insurance System (GSIS) na alisin ang kanilang interests at penalties sa loans sa kani-kanilang buwanang suweldo, upang matulungan silang ma-update at mabayaran ang kani-kanilang utang. Nitong Pebrero, hiniling ng Teachers Dignity Coalition ang libreng medical check-up at iba pang klase ng medical assistance na, ayon sa mga guro, mas magugustahan kaysa proposal discounts sa funeral services ng kanilang mahal sa buhay.

Ngunit ang pangunahing kahilingan ay ang dagdagan ang kanilang suweldo, lalo na nang malaman nila ang suweldo ng uniformed personnel ng bansa— mga sundalo at pulis—na dinoble ng administrasyong Duterte matapos na aprubahan ng Kongreso ang resolusyon para sa dagdag na sahod. Ito ang naging pangako ni Pangulong Duterte noong panahon ng kampanya at nagtagumpay ang bagong administrasyon na maipatupad ito sa unang araw ng taon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinakailangan maghintay ng mga guro sa bansa, kasama ang iba pang government personnel, ng hanggang 2019 upang makatanggap ng dagdag na sahod mula sa Salary Standardization Law na ipinatupad noong 2015. Ang P24 bilyon para sa ikatlong bahagi ng dagdag suweldo ay kabilang sa budget na ilalabas sa 2019. Ito ay masusundan ng huling bahagi sa 2020.

Matapos na matanggap ng ating mga sundalo at pulis ang kanilang dagdag suweldo nitong Enero, tiniyak ng Malacañang sa mga guro na sila na ang susunod na makatatanggap ng dagdag na sahod na siguradong matatanggap nila sa panunungkulan ni Pangulong Duterte, na magtatapos sa 2022.

Wala pa tayong naririnig na balita tungkol sa dagdag suweldo, ngunit tiyak na nasa isipan ito ng ating mga guro. Sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day ngayon, na National Teachers’ Day sa pagpapatupad sa RA 10743, tatanggapin ng bansa ang anumang anunsiyo na mapakikinabangan ng ating mga guro, ngunit higit na inaabangan ay ang ipinangakong dagdag na suweldo.