Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Columbian Dyip vs Magnolia

7:00 n.g. -- Rain or Shine vs Alaska

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

PATULOY na makadikit sa mga namumunong koponan ang parehas na tatangkain ng Magnolia at Alaska sa pagsalang sa magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2018 PBA Governors’ Cup sa Araneta Coliseum.

Nasa ikalawang posisyon sa kasalukuyan ang Hotshots kasalo ng Blackwater Elite, kasunod ng namumunong Barangay Ginebra (5-1) na nakakalamang sa kanila ng isang panalo habang pumapangatlo naman ang Aces na may markang 3-1.

Mauunang lumaro ang Hotshots na sasagupain ang winless na Columbian Dyip (0-6) ganap na 4:30 ng hapon.

Susundan sila ng Aces na haharapin naman ang wala pa ring panalong Rain or Shine (0-2) ganap na 7:00 ng gabi.

Matapos ang natamong back-to-back losses, sa panimula ng kanilang kampanya sa third conference, nagdesisyon ang Elasto Painters na palitan ang import na si J’Nathan Bullock.

Kinuha nilang kapalit ni Bullock si Terrence Watson, ang import ng San Miguel Beermen noong nakaraang taong Governors’ Cup.

Dumating sa bansa ang 6-foot-5 guard-forward na si Watson nitong Lunes ng umaga galing sa Maccabi Ashdod B.C. sa Israel.

Umaasa si ROS coach Caloy Garcia na magbabago ang takbo ng laro ng kanyang koponan sa pagdating ng bagong import.

Galing naman sa 109-108 na pag-ungos sa Beermen noong Linggo, tiyak na sasakyan ng Hotshots ang momentum ng nasabing panalo upang umangat sa ikalawang puwesto at makalapit sa namumunong Ginebra.

-Marivic Awitan