Patuloy na kumikilos ang bagyong ‘Paeng’ patungo sa bahagi ng extreme Northern Luzon, bagamat inaasahang hindi ito kasing lakas ng bagyong ‘Ompong’, na nanalasa sa malaking bahagi ng bansa kamakailan.
Sa kabila nito, nagbigay ng paalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko, partikular ang nasa bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR), na manatiling alerto sa posibilidad ng landslide dulot ng paglambot ng lupa dahil sa sunud-sunod na pag-ulan.
Sinabi naman ni PAGASA Administrator Vicente Malano na bagamat hindi kasing lakas ng Ompong ang Paeng, at inaasahang madadaanan lang nito ang dulong bahagi ng Northern Luzon, kailangang manatiling alerto ang publiko laban sa landslides at baha, dahil paiigtingin ng Paeng ang habagat.
Bago magtanghali kahapon ay namataan ang Paeng sa layong 975 kilometro sa silangang bahagi ng Tuguegarao City sa Cagayan, habang patuloy na lumalakas ang dala nitong hangin na umaabot sa 170 kilometers per hour (kph) at bugso na umaabot sa 210 kph.
Maaari namang umabot sa 200- 205 kph ang bilis nito habang patuloy na dumadaan sa dagat, ayon sa PAGASA.
Sa ulat ng PAGASA kahapon, tinatahak ng bagyo ang kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph ngunit inaasahang babagal ito ngayong Martes hanggang Huwebes.
Posible namang itaas ng PAGASA ang tropical cyclone warnings sa bahagi ng extreme Northern Luzon sa Huwebes o Biyernes, habang kumikilos ang Paeng patungong Batanes at Taiwan.
Asahan ang mahina hanggang sa malakas na pag-ulan sa extreme Northern Luzon bandang Huwebes, habang magdadala ng panaka-nakang malakas na pag-ulan sa Metro Manila sa Biyernes.
Sabado naman ng umaga, inaasahang lalabas ng bansa ang bagyong Paeng.
-Ellalyn De Vera-Ruiz