ANG pahiwatig ng Duterte administration hinggil sa paglansag ng mga private armies ay natitiyak kong naglantad din sa katotohanan na hanggang ngayon ay naglipana pa rin ang mga loose firearms na hawak ng mga kriminal. Ang naturang mga armas na walang lisensiya ang ginagamit
ng mga hukbong pribado na kontrolado ng mga pulitiko at ng ilang malalaking negosyante sa kani-kanilang makasariling adhikain.
Kung mapapanaligan ang plano na matagal na sanang ipinatupad ng administrasyon, naniniwala ako na mababawasan – kundi man ganap na malilipol – ang mga private army; pati ang mga loose firearms ay masasamsam ng ating mga alagad ng batas. Isa itong makatuturang misyon na dapat pangatawanan ng mga awtoridad, lalo na ngayong nalalapit ang mid-term polls.
Totoong hindi na dapat maghari-harian ang mga hukbong pribado. Masyadong nakakikilabot ang paghahasik nito ng mga karahasan noong nakalipas na mga administrasyon, lalo na noong panahon ng mga kagipitan. Isipin na lamang na sa pagbabangayan ng mga pulitiko, halimbawa, ang kani-kanilang mga private army ang nagsasagupa - labanan na kung minsan ang nagiging dahilan ng pagdanak ng dugo. At isipin na sila ay kapwa mga Pilipino.
Tuwing lumulutang ang mga pangamba tungkol sa mga hukbong pribado, hindi ko maiwasang makadama ng pagsikbo ng damdamin.
Mawalang-galang na, kami mismo ay nakaranas ng pananampalasan ng mga nag-iingat ng mga hindi lisensyadong armas. Malakas ang aking kutob na ang gayong mga sandata ang ginamit sa walang-awang pagpaslang sa aking kapatid, kasama ang tatlong iba, na noon ay nanunungkulang Alkalde ng aming bayan. Ang iba pang detalye ay bahagi na lamang ng madugo at malagim na kasaysayan ng aming lalawigan.
Bigla kong naalala ang sinasabing lihim na operasyon ng isang nangangalandakang lingkod ng bayan: Ang iniingatan niyang mga loose firearms ay itinatago sa mga bakanteng nitso. At maaaring ginagamit lamang ito tuwing may uutasing mga pulitiko at iba pa nilang kalaban sa negosyo at pulitika. Maaaring ganito rin ang estratehiya ng ilan nating mga kababayan na wala nang inalagata kundi maghasik ng mga karahasan sa hangaring pabagsakin ang umiiral na pangasiwaan.
Sa pagsusulong ng nabanggit na plano ng kasalukuyang administrasyon, naniniwala ako na ang tagumpay nito ay nakaatang sa balikat ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng iba pang security agency ng gobyerno. Ang pagkabigo nito ay maisisisi sa pagpapabaya sa tungkulin ng naturang mga tanggapan ng pamahalaan: sa kanilang tagumpay, maiiwasan ang madugong halalan, at iba pang karahasan.
-Celo Lagmay