Iginiit kahapon ni Senador Antonio Trillanes IV na ilang hindi kilalang lalaki ang nagmamatyag sa kanyang bahay simula nang mapawalang-bisa ang kanyang amnestiya.
Kahapon, inilabas ng kanyang opisina ang kuha mula sa closed-circuit television (CCTV) sa labas ng kanyang bahay sa Antipolo City, Rizal.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang silver Toyota Innova na nag-iikot sa paligid ng bahay ng senador, bandang 9:30 ng gabi nitong Setyembre 11.
Sa isang video clip, makikita ang driver ng sasakyan na sinisilip ang bahay ni Trillanes.
Malinaw ding nakuha ang mukha ng driver sa isa pang footage mula sa guardhouse habang palabas ito ng subdibisyon, bagamat malabo ang mukha ng driver sa video na ipinamahagi sa media.
Sa press briefing, sinabi ni Trillanes na ang kahina-hinalang sasakyan ang naging daan upang maniwala siya na minamatyagan ang kanyang bahay.
Dalawang beses na umanong naikutan ng nasabing sasakyan ang bahay ng senador bago ito mapansin ng security.
Hindi rin umano isinuko ng driver ang kanyang lisensiya o anumang ID sa mga guwardiya. At nang lumabas ay iniwasan ang tanong ng mga guwardiya hanggang sa umalis.
Sa ngayon, inaalam na ng kampo ni Trillanes ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan at ng driver.
Noong nakaraang linggo, sinabi rin ni Trillanes na ilang lalaking sakay sa motorsiklo ang sumusunod sa kanyang sasakyan matapos niyang ihayag na plano niyang umuwi matapos na mamalagi sa loob ng Senado sa nakalipas na mga linggo.
-Vanne Elaine P. Terrazola