Pinoy paddlers, overall champion sa World Dragon Boat Championship
GAINESVILLE, Georgia, United States – Nabokya man sa 18th Asian Games, pinatunayan ng Team Philippines Dragonboat ang kanilang pagiging world-class athletes.
Nakopo ng Pinoy paddlers ang kabuuang limang ginto sa makasaysayang kampanya para tanghaling overall champion sa katatapos na 2018 ICF World Dragon Boat Championships.
Senelyuhan ng Nationals mula sa Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation ang matikas na ratsada sa dominanteng panalo sa 10-seater senior men’s 200-meter race, sapat para lagpasan ang matikas na kampanya sa torneo may anim na taon na ang nakalilipas.
Hataw ang Pinoy paddlers para makatawid sa finish line sa bilis na 47.39 segundo laban sa powerhouse Italy (49.58) at Hungary (49.87) sa final day ng taunang torneo sa Lake Lanier Olympic Park.
Nakamit ng Pinoy ang kabuuang limang ginto at dalawang silver para lagpasan ang nahakot na limang ginto at isang silver medal na panalo sa 2012 edition sa Milan, Italy.
“It was a part of that team that did it in Italy,’” pahayag ni coach Diomedes Manalo.
“I knew these kids are special, so I’m not surprised when they beat the previous record.’’
Kahanga-hanga ang lakas at diskarteng ipinamalas ng beteranong sina Mark Jhon Frias, Hermie Macaranas at Ojay Fuentes, katuwang sina John Lester Delos Santos, Oliver Manaig, Reymart Nevado, Lee Robin Santos, Jordan De Guia, Roger Masbate at John Paul Selencio.
“All the hard work paid off. This is for our country,’’ pahayag ni National head coach Len Escollante.
“I’m proud to say that the Philippines is the world champion in dragonboat racing,” aniya.
Itinataguyod ang kampanya ng PCKDF, sa pamumuno ng pangulo nilang si Jonne Go, ng Philippine Sports Commission at Presidential Spokesman Harry Roque.
Bukod sa 10-seater at 20-seater senior mixed 200m races, nagwagi rin ng Pinoy sa small boat at big boat senior mixed 500m. Sumegunda naman sila sa senior mixed 2000m at small boat men’s 500m.