Nasa P4.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang hinihinalang drug runner ng isang ‘ninja cop’ sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD), National Capital Regional Police Office (NCRPO), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Sampaloc, Maynila, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Amelita Sabino, hinihinalang drug runner ng dating pulis na si Police Officer 2 (PO2) Jolly Lapuz Aliangan, na dating nakatalaga sa Regional Anti-Illegal Drugs (RAID) Division ng NCRPO.
Ikinulong si Aliangan sa Manila City Jail simula noong Mayo 2016, dahil sa drug charges at illegal possession of firearms and ammunition.
Sa imbestigasyon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng MPD, NCRPO at PDEA sa loob ng isang compound sa Palawan Street corner Visayan St., Sampaloc, Maynila, dakong 6:30 ng gabi nitong Martes.
Ayon sa awtoridad, binentahan ni Sabino ng pitong pakete ng hinihinalang shabu ang isang poseur-buyer na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Narekober sa suspek ang pitong malalaking pakete ng hinihinalang shabu, na may bigat na 650 gramo, at P800,000 marked money.
Ayon kay Manila police director Supt. Rolando Anduyan, ang pagkakaaresto kay Sabino ay nagpapatunay na si Aliangan ay sangkot pa rin sa drug trafficking activities sa Metro Manila at Calabarzon.
-ERMA R. EDERA at FER TABOY