NAKAPANAYAM ko si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa aking pang-telebisyon na programa sa Cebu Catholic Television Network (CCTN) sa loob ng isang oras.
Dinagsa ng mga supporters at fans ang mismong studio nang kumalat ang balita na darating ang gobernadora. Marami kaming napag-usapan hinggil sa mga nagbabagang isyu sa bansa, halimbawa ay ang kakulangan sa bigas at pag-akyat ng mga bilihin. Nabuksan din ang usapin tungkol sa pagkakatatag ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na pinagungunahan ni Mayor Sara Duterte.
Ipinaliwanag ni Imee ang hinggil sa pag-endorso ni Inday Sara sa kanyang kandidatura sa pagka-senador kasama ng ilang pangalan. Maigi raw naman at iba na ang uso at anyo ng mga alyansa sa pamumulitika. Ngayon ay nagkapit-bisig na ang mga malalaking partido, gaya ng Nacionalista Party sa HNP, kahit ang huli ay regional party lamang. Binanggit din ni Imee na sana ay si Sara ang manguna sa kanilang grupo bilang “the strongest candidate for the Senate”, para mas madali nilang masungkit ang Mataas na Kapulungan. Bagay na kasalukuyang isinisigaw ng mga Cebuano dahil nga kapus magkaroon ng lumad na kandidato pagka-senador.
Nais ampunin ng 2.7 milyong botante sa buong lalawigan si Inday Sara dahil umuugat ang pamilya Duterte sa Danao City Cebu. Munting mungkahi ko sa mga taga-payo ni Mayor Duterte, ang kabanata at tagumpay ng isang Rodrigo Duterte ay hindi na mauulit sa nalalapit na panahon. Sa Latin, “Sui generis” si Digong. Ang kwento o pormula ng isang alkalde na naging presidente ay mahirap masundan at maulit sa kasaysayan.
Sa pulitika, mahalaga ang timing. Ibig sabihin, ngayon na dapat tumakbo si Inday Sara sa 2019 dahil ito ay “mid-term election” at kalakasan o kasikatan pa ng Pamahalaang Duterte. Kapag nakatuntong na nga si Inday Sara sa Senado, bukas na ang pinto ng pambansang telon sa ginintuang pangako ng pagbabago at maaaring magtuloy ito sa Senado sa loob ng anim na taon, kahit magwakas sa 2022 ang termino ni Digong. Nandiyan pa ang hatak at ugong na maaari siyang kunin bilang bise presidente, kundi man, ay pangulo ng republika. Ito upang huwag makabalik ang paghihiganti ng mga “dilawan” sa bayan, at suyurin ang kanilang pamilya.
-Erik Espina