MALIWANAG ang pahayag ng Malacañang na nailathala sa Balita noong Martes: “Walang rice shortage.” Napakarami raw bigas.
Naniniwala ba kayo sa pahayag ni presidential spokesman Harry Roque na hindi kinakapos ng bigas ang bansa at makaaasa ang mga Pinoy na madaragdagan pa ang rice supply sa Oktubre?
Paniniwalaan ba ito ng mga tao na hindi magkandaugaga sa pagtatrabaho para kumita at makabili ng bigas, pero pagpunta ni misis sa palengke ay napakataas ng presyo at ng iba pang bilihin? Ano nga ang tawag dito? Inflation.
Kung paniniwalaan uli ng mga mamamayan ang pahayag ng tagapagsalita ni PRRD, may 125,000 metric tons ng bigas ang nakatakdang dumating sa PH na magpapababa sa presyo nito.
Sabi ng Malacañang, bastante ng bigas ang ‘Pinas. Iba ang pahayag ni Agriculture Sec. Manny Pinol, aniya, kulang ang bigas. Sa ZAMBASULTA (Zamboaga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi), ay taghirap sa bigas ang mga residente roon. Kung mayroon mang bigas, aba, bawat kilo ay P80 raw. Totoo ba ito?
Bigla ang paghingi ng “sorry” ng ating Presidente sa harap ng Filipino community sa Jerusalem, Israel, at kay ex-US Pres. Barack Obama na kanyang minura noong 2016. Nagalit siya sa batikos ni Obama hinggil sa madugong drug war na kumitil (hindi sumawi) ng libu-libong drug pushers at users dahil NANLABAN daw sabi ng PNP.
Ngayon daw na si Obama ay isang sibilyan na, mas angkop at napapanahon ang “I’m sorry for uttering those words (son of a bitch)”. Dagdag ni Mano Digong: “If it is in your heart to forgive, you forgive. I have forgiven you, just like my girlfriends when I was still a bachelor. I have forgiven them also”.
Hindi nakatiis ang kaibigan ko: “Bakit, ngayon ba ay wala nang girlfriends si Pres. Digong? ‘Di ba madalas niyang sabihin na dalawa ang kanyang asawa at meron pa siyang ibang girlfriends?” Aba, ewan ko, ‘yan ang hindi ko alam.
Ano raw ba ang GMRC? Tanong ito ng isang millenial habang nagpapahinga ako sa pagdya-jogging isang umaga. Tugon ko: “Good Manners and Right Conduct” o mabuting pag-uugali at tamang pagkilos.
Bilang paliwanag, sinabi ko sa mausyosong millenial na noong kabataan ko, hindi nagmumura ang mga bata (pati na ang matatanda), hindi dumadabog o sumisimangot sa mga magulang kapag hindi gusto ang pinagagawa sa kanila.
Sabi ko pa: “Ang mga tao noon (bata at matanda) ay hindi minumura ang mga pari, ang Simbahan at ano mang religious groups.” Tanong uli ng maurirat na millenial: “Bakit, ngayon po ba ay hindi na ganito?”
-Bert de Guzman