Idineklara kahapon ng House committee on justice na “sufficient in form” ang iniharap na impeachment complaints laban kay Supreme Court Chief Justice Teresita Leonardo De Castro at sa anim pang mahistrado.
Ang nasabing desisyon ay inayunan ng 21 miyembro ng justice panel, na nakilahok sa pagbubukas ng deliberasyon ng impeachment at pinangunahan ni Mindoro Oriental Rep. Salvador Leachon.
Ang nasabing hakbang ay hindi kinontra ng kahit isang miyembro ng panel.
Hindi naman pinayagang sumali sa botohan ang mga complainant na sina Albay Rep. Edcel Lagman at Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, na dumalo sa nasabing deliberasyon.
Sa nasabing pagkakataon, pinag-isa na lang ni Leachon ang pitong magkakahiwalay na impeachment complaint na isinampa ng mga opposition congressman, dahil sa culpable violation ng Saligang Batas.
Bukod kay De Castro, nahaharap din sa impeachment sina Associate Justices Lucas Bersamin, Diosdado Peralta, Andres Reyes, Alexander Gesmundo, Noel Tijam, at Francis Jardeleza.
Nag-ugat ang paghahain ng reklamo nang magpalabas ang mga ito ng ruling na kumatig sa quo warranto petition na nagpatalsik sa puwesto kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Itinakda sa Setyembre 11 ang pagtalakay ng determination of sufficiency ng nasabing reklamo.
-Ben R. Rosario