JERUSALEM — Matapos ang pagkimkim ng sama ng loob, sa wakas ay naging mahinahon na rin si Pangulong Rodrigo Duterte kay dating United States President Barack Obama, at humingi ng paumanhin sa pagmura niya dito sa nakalipas na dalawang taon.

Sa pagtatalumpati niya sa mga Filipino community dito,ginunita ni Duterte ang pagmura niya kay Obama sa publiko dahil sa pagbatikos sa kanyang war on drugs, at pagsabi sa kanyang dapat niyang isulong ang mga karapatang pantao.

Ayon kay Duterte, hindi dapat binabatikos ni Obama ang isang bansa sa mga problemang sinisikap nitong resolbahin.

“Being the President of a republic, you ought to know the basic rules. You do not criticize, especially if it is a problem of the country that you are criticizing,” aniya nitong Linggo ng gabi sa Jerusalem, madaling araw ng Lunes sa Manila.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi niya na hindi dapat isinapubliko ni Obama ang mga batikos nito sa kanya at sa halip ay dapat na naghain ng reklamo sa United Nations (UN).

“Obama in public in a press briefing, knowing fully well that he was talking about me, who is a head of state, however small and humble may be, he castigated me about human rights. Eh sinobrahan niya eh,” aniya.

“If you have a -- qualms, if you have complaints against me, go to the United Nations. File your complaint there and ask for a hearing. Hindi ‘yan diretsuhin mo ako,” idinugtong niya.

Gayunman, aminado si Duterte na handa na niyang kalimutan ang lahat.

“Well then it would be appropriate also to say at this time to Mr. Obama that you are now a civilian and I am sorry for uttering those words,” aniya matapos ulitin ang mga mura na ibinato sa dating US president.

“Know it was just a plain talkatese like yours. We have learned our lessons very well,” idinugtong niya.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS