ISANG masigabong palakpakan naman d’yan!
Ito’y para sa magigiting na tauhan ng Philippine National Police (PNP)-Highway Patrol Group (HPG) na nagtatag ng checkpoint sa kahabaan ng Marilaque highway sa Tanay, Rizal.
Maraming rider ng small bike at big bike ang nabulaga nang biglang
makita ang police mobile patrol na nag-aabang sa isang kurbada sa Marilaque.
Walang nakalusot sa checkpoint na minamando ng PNP-HPG. Sa takot ng mga rider, boluntaryong tumigil ang mga ito at ipinakita ang kanilang lisensiya at rehistro ng kanilang motorsiklo.
Huling-huli din ng PNP-HPG ang mga humaharurot na kamote rider habang bumabangking sa kurbada, ala MotoGP-style.
Ayun, isa-isang binigyan ng traffic violation ticket ang mga kamote rider.
Bago nito, ilang taon na ring nanawagan ang mga residente at turista na nababaybay sa Marilaque highway dahil sa mga barumbadong rider na mistulang ginagawang playground ang highway na ito.
Dahil makinis ang kalsada at maraming kurbada, naeengganyo ang mga mokong na humataw sa lugar.
Ang resulta: Halos araw-araw ay may namamatay na rider.
Tanungin n’yo ang mga residente sa Tanay tungkol sa paglakas ng negosyo ng ambulansiya at punerarya sa lugar dahil sa mga namamatay na rider.
Mas marami ang naaksidente tuwing Linggo kung saan dagsa ang mga rider na nagtutungo ng Quezon province.
Nakalulungkot na eksena. Subalit dahil sa mga demonyong rider, naging sentro ng aksidente ang Marilaque.
Ang malungkot dito, may nadadamay na mga motorista o residente sa mga aksidente.
May mga insidente kung saan ang motorsiklo ay sumalpok sa paparating na kotse dahil kinain nito ang kabilang bahagi ng kalsada habang humahataw.
Gusto kasi ng mga kamote rider na humihiga ang kanilang motorsiklo, kung baga ‘bumabangking.’
Kinalaunan, dahil sa lakas ng pagkakasalpok sa pasalubong na sasakyan, nagkalat ang utak ng rider at nagkagutay-gutay din ang kanilang motorsiklo.
Sayang ang buhay dahil lamang sa ‘recklessness’ ng mga kamote rider.
Ilang beses tayong nanawagan sa PNP-HPG na paigtingin ang pagpapatupad ng speed limit sa Marilaque dahil sa dumaraming aksidente sa lugar.
At nitong nakaraang Linggo, dininig na rin ang ating panawagan dahil sa idineploy na PNP-HPG mobile patrol.
Tingnan natin ang tigas ng mga kamote rider sa PNP-HPG.
At sana naman, mas madalas na nating makita ang awtoridad sa Marilaque upang mahigpit na maipatupad ang batas trapik.
Malaki ang potensiyal ng Marilaque kaya’t maging ang Department of Tourism (DoTr) ay humiling sa PNP na pag-aarestuhin ang mga nagsisihataw na rider.
Salamat sa PNP-HPG at pinakinggan n’yo kami.
-Aris Ilagan