Pinoy cagers, bigo muli na makalusot sa Koreans sa Asiad men’s basketball

JAKARTA – Muli, uuwing luhaan ang Philippine men’s basketball team. At sa isa pang pagkakataon, hinagpis at dalamhati ang hatid sa sambayanan. Higit ang pasakit ang katotohanan na South Koreans ang muling dumurog sa puso ng Pinoy.

BIGO ang Team Philippines na mapigilan si naturalized Ricardo Ratliffe at ang South Koreans sa men’s basketball quarterfinals sa 18th Asian Games sa Jakarta. (AFP)

BIGO ang Team Philippines na mapigilan si naturalized Ricardo Ratliffe at ang South Koreans sa men’s basketball quarterfinals sa 18th Asian Games sa Jakarta. (AFP)

Sa kabila ng presensiya ni Jordan Clarkson, isang pamosong NBA player, sa kampo ng Pinoy, nanatiling buhay ang tila ‘sumpa’ sa Team Philippines sa Asian Games basketball matapos kunin ng Koreans ang 91-82 panalo nitong Lunes na tumapos sa kampanya ng Pinoy na makausad sa podium sa quadrennial meet.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

Napuno ng tagahanga at kababayang Pinoy ang Gelora Bung Karno basketball arena, subalit tulad sa mga nakalipas na Asian Games duel, nanaig ang husay, galing at disiplina ng Koreans.

Nanguna ang naturalized at dating PBA import Ricardo Ratliffe sa kampo ng South Korean sa naiskor na 30 puntos at 15 rebounds. Nadomina ng Koreans ang rebounds at nabigo ang Pinoy na masawata ang outside shooting ng karibal, tampok ang limang sunod na puntos na bumali sa gulugod ng mga bataan ni coach Yeng Guiao.

Kaagad na umabante ang Korea sa 17-7, tampok ang four-point play ni Heo Ilyoung mula sa foul ni Clarkson, nagmintis sa kanyang unang limang tira.

Nakabawi ang Philippines ng 8-0 run para maidikit ang iskor sa 18-22 sa pagtatapos ng first period.

Natikman ng Pinoy ang unang bentahe sa 25-24 mula sa three-pointer ni Paul Lee at jumper ni Clarkson may 6:29 sa second period. Nahila nila ang bentahe sa 37-31 mula sa magkasunod na basket nina Christian Standhardinger at Beau Belga may 3:40 sa naturang period.

Nanatili sa Pinoy ang momentum, bago nakabangon ang Koreans sa magjajasunod na puntos para maisara ang iskor sa 42-44 sa halftime.

Nagpatuloy ang mainit na opensa nina Standhardinger, Clarkson at Stanley Pringle bago nakasagot ang Koreans sa 7-0 run para makasikit sa 54-53 may 4:48 sa third period.

Nagpalitan ng puntos ang magkabilang panig bago naisalpak ni Clarkson ang jumper para sa 65-64 bentahe sa pagtatapos ng third period. Sa naturang period, ratsada si Clarkson sa naiskor na 15 puntos, tampok ang tatlong three-pointer.

Ngunit, may ganti sa tuwina ang Koreans. Naagaw ng Koreans ang bentahe sa 72-68 mula sa triple ni Heo Ilyoung, Nahila nila ang abante sa 83-74 mula sa isa pang three-pointer ni Kim may 3:56 sa laro.

Sa krusyal na sandali, tila nabato-balani ang Pinoy para sa isa pang kabiguan sa kamay ng Koreans.

Nanguna si Clarkson sa Team Philippines sa naiskor na 25 puntos, habang kumana si Standhardinger ng 16 puntos.

“I take responsibility for this loss,” pahayag ni national coach Yeng Guiao.

Umusad ang Koreans sa semifinals at haharapin ang magwawagi sa duwelo ng Iran at Japan, habang nalaglag ang Philippines sa consolation pool kung saan target ng Pinoy na malagpasan ang ikapitong puwestong pagtatapos sa nakalipas na Asiad sa Incheon, Korea.

Iskor:

Korea (91) – Ratliffe 30, Kim Sunhyung 17, Heo Ilyoung 17, Lee Seounghyun 11, Jeo Junbeom 9, Heo Ung 6, Lee Junghyun 1, Park Chanhee 0, Choi Junyong 0.

Philippines (82) – Clarkson 25, Standhardinger 16, Pringle 14, Lee 11, Norwood 5, Almazan 5, Tiu 3, Belga 3, Erram 0, Taulava 0.

Quarters: 22-18; 42-44; 64-65; 91-82.