Iginiit ni Senador Leila de Lima na kailangang muling buksan ang pagdinig ng Senado sa extrajudicial killings (EJKs) sa mga drug suspect matapos ang pagkamatay ng isang may sakit na retiradong overseas Filipino worker (OFW) habang nasa kustodiya ng pulisya.
Nabatid na ikinasa na sa plenaryo ang committee report ni Senador Richard Gordon, kung saan nakapaloob na hindi state-sponsored ang mga patayan sa kasalukuyang administrasyon.
“Hinihikayat ko ang mga kasama kong senador na himayin ang Gordon Report at ikonsidera ang mga obserbasyon sa aking Dissenting Report noong Disyembre 2016,” ani de Lima.
Si de Lima ang nanguna sa imbestigasyon ng mga unang kaso ng umano’y EJKs sa bansa, hanggang sa pinatalsik siya bilang chairperson ng Senate committee on justice at pinalitan ni Gordon.
Napaulat na namatay si Allan Rafael, dating OFW sa Saudi Arabia at cancer patient, habang nasa kustodiya ng pulisya matapos na akusahan ng pag-iingat ng droga. Iginigiit ng pamilya ni Rafael na pinatay ito sa piitan.
-Leonel M. Abasola