TARGET ng Team Gerald, sa pangangasiwa ni coach Lou Abad, na masungkit ang back-to-back championship laban sa Team Daniel sa Star Magic Basketball sa Agosto 19 sa Araneta Coliseum.
Nasa ikatlong season, tabla sa 1-1 ang head-to-head duel ng magkaribal na koponan. Nakabawi ang Team Gerald sa nakalipas na taon matapos kunin ng grupo si dating St. Benilde player Lou Abad bilang coach.
“Last game na raw ito. Third and last, bragging rights at its best,” sambit ni Abad. “Matalo sila dito, bali wala yung last year na panalo. Lahat naman motivated to defend the crown.”
Kumpiyansa si Abad na mananatili ang lakas at teamwork ng team.
“We are friends to begin with, so kapag naglalaro, magkakakilala na,” aniya. “When I handle them, kapag nagset ako ng plays, alam na nila at alam ko ise-set for them.”
“Lahat naman sila nakikinig. Lahat naman sila willing to learn. Kahit nanalo last year, hindi sila confident na ‘amin na ito kasi nanalo na lasy year’. They have something to prove para sa sarili nila,” sambit ni Abad.
Muli, nakatuon ang pansin kay Gerald Anderson na kumana ng 42 puntos sa nakalipas na duwelo.
“Mas efficient kasi mas may structure kami. Magkaibigan naman kami and pareho kaming mahilig sa basketball so kung ano alam namin, yun yung ina-apply namin sa ibang players ng team,” pahayag ni Anderson, patungkol sa pagkakakuha nila kay coach Abad.
Kasalukuyang naglalaro sa Marikina Shoemasters sa MPBL, tiwala si Anderson sa kakayahan at determinasyon ng kanyang katropa.
“Confident in a way kasi dedicated yung mga boys and gusto nila yung ginagawa nila. Ang importante, more than yung skils sa game is yung bonding namin. Nagsche-schedule talaga ako ng practices but yung main reason is for us to bond,” aniya.