Hawak na ng awtoridad ang dalawang lalaki na umano’y responsable sa pagpatay sa isang binatilyo, habang binitbit din sa presinto ang babaeng nakialam sa mga umaarestong pulis sa Caloocan City, kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Rolan Rieelan Ilagan, 25, ng No. 98 Bulacan Street, Barangay 148, Bagong Barrio ng lungsod; at Christian Resuello, 22, ng No. 13 Republika St., Bagong Barrio.

Dinampot din ng mga pulis si Rose Ann Glorino, 18, nang pigilan nito ang pag-aresto kay Resuello.

Bago ang pag-aresto, nagpunta si Eduardo Ledesma, 55, sa Bagong Barrio PCP 3 at bitbit ang warrant of arrest kina Ilagan at Resuello, na namataang pagala-gala sa Republika St., dakong 12:45 ng hatinggabi.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Napag-alaman na ang mga suspek ang sumaksak at pumatay sa anak ni Ledesma na si Muchael, 16, noong nakaraang taon.

Bitbit ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Eleonor Kwong ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 128, nagtungo ng mga tauhan ng PCP 3 sa lugar ni Resuello.

Pinigilan umano ni Glorino ang mga pulis kaya dinala na rin siya sa presinto.

Sumunod na dinakip si Ilagan sa Avocado St., Bgy. Bagong Barrio.

Sa headquarters, nakuha sa mga suspek ang tig-isang pakete ng umano’y shabu habang dalawang pakete kay Glorino.

Bukod sa kasong murder, nahaharap ang mga suspek, at ang babae, sa Sec. 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Orly L. Barcala