HINDI ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng masalimuot na isyu hinggil sa deportasyon ni Sister Patricia Fox, ang Australian nun na halos tatlong dekada nang nagsasagawa ng missionary work sa ating bansa. At lalong hindi ko matiyak kung tuluyan nang ipinatapon o pinalayas sa bansa ang naturang madre.
Sa pagtalakay sa nasabing deportation case laban kay Sister Patricia, hindi ko tatangkaing salingin ang legalidad ng nasabing usapin. Sapat nang mabatid natin ang desisyon ng Board of Commissioners (BoC) ng Bureau of Immigration (BI): “The BoC found that her actions are inimical to the interest of the state. The Board has ordered her deportation to Australia, and the inclusion of her name in the BI’s blacklist, barring her re-entry into the country.”
Kabuntot nito, sa aking pagkakaalam, ang pagsasampa ng naturang madre ng motion for reconsideration na maaaring tinitimbang naman ng kinauukulang mga ahensiya ng ating pamahalaan.
Nais kong gunitain, sa bahaging ito, ang nakaaantig ng damdaming mga pahiwatig ni Sister Patricia sa mga pahayagan at sa mga himpilan ng mga radyo sa pamamagitan ng putul-putol na pananagalog: “Siyempre nagpapasalamat ako sa statements ng mga obispo at sa kanilang mga suporta, kasi para akin siyempre tayo lahat may mga mistakes pero subukan ko sumunod sa yapak ng Panginoon kaya mahalagang kinilala nila ang aking pagmimisyon kasi iyon ang layunin ko.”
Idinugtong niya: “Napamahal na sa akin ang Pilipinas dahil sa buong-puso akong tinanggap ng mga Pinoy, lalo na ang mga katutubo, sa kabila ng pagkakaiba ng aming kultura.”
Mahihinuha na talagang matindi ang hangarin ng naturang madre na maging bahagi ng pamayanang Pilipino; na ang kanyang missionary world ay kanyang iniukol sa pagpapatingkad ng kanyang pakikipagkapatiran sa ating mga kababayan.
Bigla kong naalala ang ating yumaong kapatid sa pamamahayag – si Ronnie Nathanielz ng Sri Lanka. Sa kabila ng kanyang pagiging isang dayuhan, hinangad niyang maging isang mamamayang Pilipino at maging bahagi ng peryodismong Pilipino na ang misyon ay hinggil naman sa pagtatanggol ng kalayaan sa pamamahayag o press freedom.
Hindi ko matiyak kung si Sister Patricia ay may hangarin ding maging isang Filipino citizen. Subalit naniniwala ako na ang hangarin ng mga dayuhan – bukod sa naturang madre at kay Ronnie at maaaring marami pang iba – ay patunay na ang kanilang pagkamakabayan o nasyonalismo ay higit pa kaysa sa marami nating mga kababayan na malimit taguriang mga fake nationalists.
-Celo Lagmay