PARA sa Senado, hinihintay na lang nito ang pagdating ng Charter Change (Cha-Cha) sa bulwagan upang ito ay i-cremate o sunugin para maging abo at tanggihan ng taumbayan. Nais ng Duterte administration na amyendahan ang Constitution para palitan ang sistema ng gobyerno mula sa presidential tungo sa federal system.
Batay sa mga survey ng Social Weather Stations (SWS) at ng Pulse Asia, karamihan sa mga Pilipino ay ayaw sa pederalismo, samantalang marami rin sa kanila ang hindi nakaiintindi o nakauunawa kung ano ang pederalismo.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, solido ang posisyon ng lahat ng senador na hindi sila kikilos sa pagsusulong sa Cha-Cha, na magiging daan sa disenfranchisement ng Senado o pagiging inutil nito kapag nagkaroon ng Constituent Assembly (Con-As).
Nais ng mga senador na hiwalay ang botohan sa Con-As sapagkat “lalamunin” lang sila ng 292 miyembro ng Kamara kapag ang botohan ay pinagsama dahil sila ay 23 lamang.
Para kay ex-Speaker Pantaleon Alvarez, na sinipa sa puwesto noong Hulyo 23, araw ng State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, tuloy ang takbo ng buhay. Aminado siyang nasaktan sa ginawang kudeta sa kanya ng kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo. May hinalang ang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya ay si Davao City Mayor Sara Duterte.
“Okay na ako ngayon. Tulad ng sinabi ko noon, ang sakit ng loob ay tumagal lang ng 24 oras. Pagkatapos n’yan, wala na,” pahayag ni Alvarez sa PDP-Laban leadership meeting sa Seda Hotel, Quezon City. Nabigla si Alvarez nang makuha ni GMA ang Speakership sa mismong araw ng SONA. Sinalubong pa niya ang Pangulo sa pagdating nito sa Batasan Complex. Hindi niya alam na wala na pala ang kanyang “pantalon” at ito ay nakuha na ni GMA.
Marami ang nagtatanong kung ang car o van bombing sa isang checkpoint sa Lamitan, Basilan nitong isang linggo ay kagagawan ng ISIS o ng Abu Sayyaf Group (ASG). Kung ito’y kagagawan ng ISIS, lubha itong nakababahala sapagkat baka mauso na ang suicide bombing sa Pilipinas, tulad ng ginagawa ng mga terorista sa Gitnang Silangan.
Gayunman, ilang security expert ang nagsabi na ang car o van attack sa Lamitan ay posibleng tugon ng ASG sa pagtanggi sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sila ay sumuko na sa pamahalaan. Ibig sabihin, ayaw nila sa alok ng Pangulo at sa halip, patuloy silang makikipaglaban sa gobyerno.
May nagpapalagay namang ito ay pagtutol sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na nilagdaan ng Pangulo upang bigyan ng awtonomiya ang Moro people sa Mindanao para sa kapayapaan. Kailangang kumilos dito ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), na kausap ni PRRD, upang supilin ang mga pasaway at masasamang elemento sa Mindanao.
-Bert de Guzman