Sa unang araw ng pagtalakay nitong Martes ng House Committee on Appropriations sa panukalang 2019 national budget, inilahad ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang revenue collection ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, at ipinaliwanag kung saan kukunin ang panukalang P3.757 trilyon pondo.
Iniulat niya sa komite na sa unang bahagi ng 2018, nakapagtala ang bansa ng “strong fiscal performance as both revenue and expenditures surpassed targets. Actual deficit of P193 billion was also 27 percent lower than the program of P264.3 billion.”
Ang total revenue collection ay umabot sa P1.41 trilyon, o 20% mas mataas kumpara sa katulad na panahon noong 2017. Nilampasan nito ang target collection ng 8% o P105.7B.
Tumaas ang koleksiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 13.7% o 2.7% mas malaki sa target nito dahil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act at patuloy na pagbuti ng tax administration.
Sa unang kalahati ng 2018, ang TRAIN law ay nagtamo ng P33.7B sa revenues, lampas sa target nitong P3.6B.
Ganito rin ang performance ng Bureau of Customs (BoC) na ang koleksiyon mula Enero hanggang Hunyo, ay lagpas sa target nito ng 3.4%, at lumago ng 33% kumpara sa nakaraang taon sa parehong panahon.
BAWAS BUDGET
Samantala, dismayado si House Appropriations Committee Chairman Davao City Rep. Karlo Nograles sa pagbawas sa budget ng mahahalagang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng panukalang P3.757 trilyon national budget na iprinisinta sa komite ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Ipinaliwanag ni Nograles na ang panukalang 2019 budget na cash-based, ay mas mababa pa ng P10B sa kasalukuyang P3.767T General Appropriations Act (GAA).
“Let’s address the elephant in the room. You are coming to ask a budget that’s P10 billion lower in absolute terms. All of us here are concerned with the reductions in various departments and agencies namely the DoH, DepEd, and DPWH,” sinabi ni Nograles kay Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa kanya, ang budget ng Department of Health (DoH) ay binawasan ng P35B; Department of Education (DepEd), binawasan ng P77B; at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kinaltasan ng P95B. Kinaltasan din ng P5B ang budgets ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Commission on Elections (Comelec).
“For 2019, ang hirap naman ipaliwanag sa mga kababayan natin na nag-reduce tayo ng mga classrooms, nag-reduce tayo ng mga barangay health units, nag-reduce tayo ng roads dahil mayroon tayong ginagawang ganitong cash-based.”
-Bert De Guzman