IBA talaga ang babae kapag nagalit.Daig pa nito ang pinagsamang puwersa ng mga bagyong Henry, Inday, Josie at Kardo. Ganito, humigit-kumulang ang naranasan ni ex-House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez nang naging dahilan siya para magalit si Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sabi nga ng mga palabiro, nagulat na lang si Alvarez nang bigla siyang mahubaran ng “pantalon” mismo sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ng kanyang kaibigan at kaalyadong Pangulo. Marami ang naniniwala na ang naghubad ng “pantalon” kay ex-Speaker Pantaleon ay si Inday Sara, ang matapang na anak ni PRRD.
Kung natatandaan pa ninyo, nagalit si Mayo Sara kay Speaker Bebot nang ihayag nito sa publiko na ang alkalde ay nasa opposition na dahil nagpundar ito ng isang political party, ang Hugpong sa Pagbabago. Siyempre pa, kung gagamitin ng isang taong may pinag-aralan ang lohika, papaanong magiging oppositionist o taga-salungat si Sara Duterte-Carpio eh anak siya ng Presidente?
Itinuturing ngayon ng political analysts si Mayor Sara Duterte na bagong “political kingmaker”. Noong Lunes, siya ay nakipag-lunch kay dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (SGMA) kasama ang may 150 kongresista na sumuporta sa kanya para patalsikin si pantalon, este Pantaleon.
Sa kainan sa Seda Hotel, Quezon City, sinabi ni SGMA na ang pagtitipon ay isang “thank you lunch” lamang, isang pribadong pagtitipon. Naroroon si Inday Sara na pinaniniwalaang malaki ang role o papel sa pagpapalayas kay Alvarez sa speakership.
Naniniwala si Senador Panfilo Lacson, na ang Hugpong sa Pagbabago ang magiging bagong “political force” hindi lang sa rehiyon, kundi maging sa buong bansa. “The fact that she is being talked about as the architect behind the changing of the guard in the House of Representatives, true or not, says it all.”
Ganyan namang talaga ang takbo ng pulitika sa bansa. Kung sino ang nasa puwesto, ang pamilya ng Pangulo ang tinitingala, sinusuyo at kinatatakutan pa. Nagkamali si Alvarez sa pagbangga kay Inday Sara. Hindi ba niya alam na maging si PDu30 ay ilag at umiiwas sa kanyang anak?
Noong gumawa siya ng sigalot sa South Korea at halikan ang isang ginang na OFW sa labi, hindi ito nagustuhan ni Mayor Sara. Dahil dito, umiwas si PRRD sa kanyang anak at sa NAIA siya lumapag sa halip na sa Davao International Airport. Nang sabihin niyang “God is stupid”, sinabihan niya ang mga tao na huwag itong paniwalaan dahil “hindi naman siya (PRRD) pari, pastor o imam”.
Kaya ako nag-iingat na magalit ang dati kong GF na ngayon ay bedmate ko na, dahil baka ihulog ako sa kama at hindi ako ipagluto!
-Bert de Guzman