MARAHIL tuwing makaririnig kayo ng kuwento hinggil sa “ghost employees” sa kahit saang tanggapan ng pamahalaan, gaya ko, ay manggagalaiti rin kayo sa galit at mapapamura nang pabulong sa sarili, dahil sa alam ninyong ito’y isang harapang “pagnanakaw” sa kaban ng bayan na kinolekta mula sa pinaghirapang buwis ng mamamayan.
Eh paano naman kaya kung ang malaman ninyo ay buong barangay ang MULTO—hindi lang isa kundi “27 ghost barangays”—na ‘di sinasadyang natuklasan ng mga accountant ng Commission on Audit (CoA) habang tinutuos at hinahanap ang ilang bahagi ng nawawalang pondo para sa mga barangay sa buong siyudad ng Maynila?
Malamang, kung nakamamatay ang pagmumura, maraming namumuno ngayon sa mahal nating Maynila ang matitigok – silang mga nagdadala sa kabulukang tinatamasa ngayon ng dating tinitingalang lungsod, ‘di lamang dito sa Pilipinas, kundi sa buong South East Asia!
Bakit ‘di ko sasabihing NABUBULOK ang Maynila—ilang ulit na rin akong namasyal, naglakad-lakad sa mga pangunahing lugar sa lungsod na ito ilang oras pagkalubog ng araw, at ang nakaiiyak na mga tanawing bumulaga sa akin, pawang kabulukan, gaya ng mga nakatambak na basura sa mga bangketa na iniwan ng buong maghapong umukopang mga vendor; mga natutulog sa bangketa na karamihan ay ‘yun ding mga vendor na ginawa ng “dormitory” ang kanilang mga puwesto sa bangketa; mga taong grasa at mga batang gala na ang tulugan ay mga bangketa; ang nakasusulasok na amoy ng mapapanghi at mamasa-masang sulok sa lugar na maraming beer house at karaoke bar; ang nagsisikipan na dating maluluwag na kalsada at eskinita na mistulang parking lot sa dami ng mga pampublikong sasakyan na nakaparada; mga nagsulputang karinderya sa gilid ng mga kalsada at bangketa na 24/7 nakabukas; madidilim na lugar ngunit kabi-kabila naman ang mga sira at napabayaang mga “light post” na itinayo at pinagkakitaan ng milyones ng bawat administrasyong nakaupo; at ito ang pinakamatindi sa lahat – ang sinasabing kabi-kabilang pagnanakaw ng mga ganid na opisyal na nakaupo sa kaban ng bayan!
Talakayin natin ang pinakahuli sa aking mga nabanggit na kabulukan—ang “27 ghost barangays” na natukoy sa inilabas na 2017 audit report ng CoA—ang nadagdag sa orihinal na bilang ng mga ito na 896, na biglang naging 923.
Nagulat kasi ang mga auditor dahil hindi nila mabalanse ang kanilang kinukuwentang milyones na pondong galing sa Real Property Tax (RPT) shares, na dapat sana ay mapunta sa lahat ng barangay sa siyudad, subalit na-delay ito nang todo bago na-release. At nang ma-release ay maraming hindi naman nakatanggap, at sa mga nakatanggap naman ay kasama ang 27 barangay na ‘di malaman ng CoA kung saang lupalop sa Maynila matatagpuan. Oh ‘di ba, magaling mag-magic ang mga opisyal sa MAHARNILAD!
Mantakin ninyo, ang pondong napunta sa 27 multong barangay na ito ay lumalagapak na P108.733 milyon. Malaking halaga ngunit kaninong mga bulsa kaya napunta?
Hindi naman siguro totoo ang tsismis na ang P108.733 milyon na napunta sa mga multong barangay na ito ay itinatabi para sa kampanya—pambili umano ng boto ng mga taong dapat naman talaga makikinabang dito—sa susunod na eleksiyon sa 2019!
Hanggang kailan kaya tayong mamamayan matututong pumili ng mga karapat-dapat na ihalal na para sa bansang ito? “Binibitay agad natin ang mga dagang dingding na magnanakaw, ngunit ang mas matitikas na magnanakaw ang iniuupo natin sa importanteng puwesto upang maglingkod sa atin!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.