CAMP OLIVAS, Pampanga – Arestado ang umano’y dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang ang dating vice mayor ng Aurora, matapos mauwi sa shootout sa entrapment operation sa Tarlac City.
Kinilala ang mga inaresto na sina Gregorio Agustin, 49, dating vice mayor ng Dilasag, Aurora, at taga-Barangay Jaglan; at Edmond De Leon, alyas “Ka Adan”, 38, ng Bgy. Poblacion, Dilasag, Aurora, base sa ulat na ipinadala sa Police Regional Office (PRO)-3.
“This successful operation is the result of concerted intel-driven operations and diligent efforts of different police units to arrest all lawless elements in the region,” ayon kay PRO-3 director Chief Supt. Amador V. Corpus.
Sinabi ni Corpus na nakatakas ang kasamahan ng mga suspek na si Raymond Dulinayan, alyas “Maximo”.
Ayon kay Corpus, nag-ugat ang operasyon sa report ni Albert Acosta, pamangkin ng dating biase alkalde, na hiningan umano ng mga suspek ng P1.5-milyon revolutionary tax.
Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang dalawang granada, isang .45 caliber pistol, dalawang magazine ng .45 caliber na kargado ng mga bala, isang itim na Honda 150 (BC 89568), isang Honda XRM (BC 89576), at isang itim na Honda PEM F1 na walang plaka.
Napag-alaman din na sina Agustin at De Leon ay kapwa umano miyembro ng Isabelo Corpuz Command Front 41 ng NPA.
-Franco G. Regala