NI ANNIE ABAD

SENTRO ng balitaktakan ngayon ang reputasyon ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PhilSoc) para sa 2019 hosting ng biennial meet.

SUZARA: Ginigisa sa nawawalang pondo ng Philippine Super Liga.

SUZARA: Ginigisa sa nawawalang pondo ng Philippine Super Liga.

Ito’y matapos magsampa ng kasong ‘qualified theft’ sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Philippine Super Liga (PSL) Board laban sa kanilang dating pangulo na si Tatz Suzara.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Si Suzara, chairman din ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc., ang itinalagang Executive Director sa Philsoc ni Foreign Affair Secretary Peter Cayetano.

Sa isinagawang media briefing ng PSL Board nitong Huwebesm sa pangunguna nina PSL vice president Dr. Ian Laurel at director for legal affairs Atty. Melinda Salcedo, sinampahan ng kasong ‘qualified theft’ sina Suzara at dating finance director na si Don Caringal bunsod umano ng 'irregular and unauthorized disbursements of company funds.'

Ayon kay Laurel, natisod nila ang iregularidad na ginawa nina Suzara at Caringal matapos ang resulta nang isinagawang ‘comprehensive audit’ ng independent auditor na kinuha ng PSL Board.

Aniya, sinubukan nilang resolbahin ang isyu sa maayos na pamamaraan, ngunit nabigo silang makuha ang kooperasyon ng dalawa.

“We tried to really exhaust all efforts by giving them notices to attend board meetings especially when it came to those financial aspects and the audit report but sad to say they did not cooperate, they did not attend,” pahayag ni Laurel.

“Therefore, we did not hear their side. They cannot tell us that we did not give them a chance to solve it internally, and now we are left with no choice but to seek legal help,” aniya.

“Pending the result of the audit, Suzara and Caringal resigned from their respective positions,” aniya.

Hindi tinukoy ni Laurel ang halaga ng nawawalang pondo sa PSL, ngunit ayon sa source umabot ito sa P13 milyon.

Ayon kay Laurel, nasilip sa isinagawang auditing ang pagpapalabas at paggamit ng pondo ng PSL na ‘unauthorized purposes’ kabilang ang pagkakaroon ng discretionary fund ni Suzara, gayundin ang ginamit na travel expenses/allowancessm cash advances at reimbursement sa telephone overseas call.

 “This will be the first of many cases to be filed,” sambit ni Laurel.

 “Naging mahirap, napakahirap para gawin ito pero parang kailangan naming gawin. No question about it, the board was unanimous in deciding that this is something that has to be done."

Nagbitiw si Suzara sa PSL nitong Mayo, habang nagbitiw sa kanyang puwesto si Caringal nitong Enero matapos ang isinagawang imbestigasyon ng audit group.

Kinakatawan ang PSL Board nina Atty. Melinda Salcedo at PSL legal affairs Atty. Miguel Llantino.

Sa panayam ng Spin.ph. itinanggi ni Suzara ang aksusasyon at handa umano niyang harapin ang kaso nila ni Caringal sa proper forum.

“I will answer the complaint in the proper forum.  I welcome any investigation or inquiry regarding the malicious accusations thrown against me,” aniya,

Ipinahayag naman ni Philippine Volleyball Federation (PVF) President Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada na isang bindikasyon sa asosasyon ang isyu laban kay Suzara – sinasabing gumamit ng impluwensiya at nakipagkautsabahan sa Philippine Olympic Committee (POC) na pinamumunuan noon ni Peping Cojuangco– para sirain ang imahe ng PVF sa International Volleyball Federation (FIVB) na kalauna’y nakaapekto sa katayuan ng PVF sa federation.

“Call it divine intervention. Alam naman sa volleyball community kung sino ang legit na volleyball federation. Hopefully, makarating ito sa FIVB para malaman nila ang katotohanan,” pahayag ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada.

“Kahit hindi kami matulungan ng POC sa ipinaglalaban naming recognition, may mga tumutulong sa amin para mailabas ang katotohahan. Gayunman, kaminaman sa PVF tuloy sa mga programa namin sa grassroots development, like conducting seminars, coaching clinics and donating volleyball equipment in public schools in the country,” ayon kay Cantada.