MATAPOS laitin at sabihing “God is Stupid”, humingi na ng paumanhin o patawad si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Diyos. Magandang balita ito sapagkat posibleng naliwanagan na rin ang isip ng ating Pangulo. ‘Di ba naniniwala siyang ang kanyang kinilalang God o Diyos ay mabait, maunawain at mapagpatawad? Sa kanyang Diyos lang daw siya hihingi ng apology at hindi kaninuman.
Ganito ang pahayag ni PRRD sa wikang English: “If it’s the same God, I’m sorry, that’s how it is. Sorry, God. If God is taken in a generic term by everybody then that’s well and good”. Iyan ang pahayag ni Mano Digong sa video na ipinost ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa Facebook nito noong Hulyo 11.
Bigla ang pagbagsak ng satisfaction rating ng ating Pangulo sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) sa second quarter ng taong ito. Batay sa SWS survey results mula Hunyo 27 hanggang 30, may 65 porsyento pa ang satisfied (nasisiyahan) na mga Pilipino samantalang 20 porsyento ang dissatisfied (di-nasisiyahahan) sa pamamalakad o performance ng Pangulo, kung kaya ang net satisfaction score ay +45.
Ayon sa ulat, bagamat ang satisfaction rating ay itinuturing pa ring “good”, bumagsak ito ng 11% sa “very good” +56 noong Marso at +48% “good” rating noong Setyembre 2017. Binalewala lang ito ng Malacañang at sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na hindi nagtatrabaho si PRRD para lang pataasin ang kanyang popularity ratings.
Para sa mga senador, ang 11-point drop ng approval ratings ni PDu30 ay paalala sa Pangulo na dapat siyang kumilos at higit na ituon ang pansin sa mga problema ng bansa at ordinaryong mga Pinoy. Sinabi ni Sen. Ralph Recto na ang pagbagsak ng rating ay inaasahan lamang tulad ng iba pang naging presidente.
Ayon sa kanya, hindi makatutulong kay Mano Digong ang pakikipag-away sa Simbahang Katoliko, pagmumura at pagsusulong sa pederalismo dahil sa halip na magkasundo at magkaisa ang mga mamamayan, lalo lang paghihiwalayin ng sistemang pederal ang mga tao.
Sa palagay nila, ang pagbagsak ng ratings ng Pangulo ay bunsod din ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ‘di pagkibo sa pananakop ng China sa West Philippine Sea, patuloy na patayan at kurapsiyon. Nangangamba sila na baka lalong bumagsak ang approval rating ng Pangulo kapag isinama sa susunod na survey ang tungkol sa pakikipagkagalit sa mga Katoliko at Kristiyano at paglait sa Diyos.
Naniniwala si Speaker Pantaleon Alvarez na makabubuti sa bansa kung wala na munang eleksiyon sa 2019 upang mapagtuunan ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno mula sa presidential tungo sa federal. Hindi pumayag ang Philippine National Police (PNP) sa mungkahi ni Senate Pres. Vicente Sotto na payagang magsagawa ng committee hearings si Sen. Leila de Lima sa kanyang selda.
Si Sen. Antonio Trillanes ay pinayagang magsagawa ng mga pagdinig noong siya’y nakakulong sa Camp Crame kahit kagalit niya ang noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. ‘Di rin pinayagan si De Lima na makadalo sa graduation ng kanyang anak, pero sina Sen. Jinggoy Estrada ay pinayagang makadalo samantalang si Sen. Bong Revilla ay pinayagang makalabas para dalawin ang nabaril na anak noon at ang may sakit na ama.
-Bert de Guzman