MAY bumatikos sa nakaraan kong ImbestigaDAVE kolum na tumalakay sa walang patumanggang paggamit ng mga pulis sa CHECKPOINT para supilin ang kriminalidad sa ating komunidad. Pinanindigan ko kasing tila walang silbi ang isinasagawang mga checkpoint sa iba’t ibang lugar dahil tumataas pa rin ang kriminalidad, dangan lamang ‘di ito nasasama sa “bumababang” estadistika na ibinabando ng mga pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Ang batikos na natanggap ko, sa pamamagitan ng text message, ay nagpapamukha sa akin sa pagkakadakip sa dalawang suspek sa pagpatay kay Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija sa CHECKPOINT sa Camarines Sur.
Nakasaad sa mensahe: “Sampal sa ImbestigaDAVE ang pagkakaaresto ng mga pulis sa dalawang suspek na bumaril kay Mayor Bote sa isang checkpoint sa Camarines Sur. Ngayon alam mo na ang silbi ng mga CHECKPOINT!”
Kasabay ng pagsagot ko sa batikos ang aking PAGSALUDO sa mga operatiba at imbestigador – na walang tulugan at pahinga sa kanilang intel operations at pag-iimbestiga – na humahawak sa kaso ng pagpatay kay Mayor Bote at nakakuha ng “intel info” na matapos maipasa, ay nagbigay daan upang masakote ang mga suspek na sina Florencio Suarez at Robert Gumacay sa isang CHECKPOINT sa Camarines Sur noong Miyerkules.
Hindi ko minamaliit ang pagkakadakma ng mga pulis kina Suarez at Gumacay sa checkpoint, pero dapat malaman ng aking mga BUSKADOR, gaya nga ng aking sinabi sa nakaraan kong kolum, na napakahalaga sa trabahong pulis ang “intel operations” upang makakuha ng impormasyong magagamit ng imbestigador sa pagkamada ng “airtight” o sa lengguwahe ng mga pulis ay “KAHON” na kaso, laban sa utak ng isang malaking krimen, na sa pagkakataong ito ay ang pagpatay nga kay Mayor Bote.
Sa palagay ba ninyo kung walang kahit katiting na impormasyon ang mga pulis sa Camarines Sur, mahuhuli nila sina Suarez at Gumacay? Mas malamang sa hindi – kaya nga para sa akin ay isang “roadblock” at hindi CHECKPOINT ang nakadale sa dalawang suspek. Bakit kamo -- dahil may “prior coordination” mula sa Nueva Ecija, na ang mga suspek ay tumakas patungo sa kamag-anak sa Bicol upang doon magtago. Ang “intel info” na ito ang dahilan ng “roadblock” ng mga pulis sa Camarines Sur, sa lugar na daraanan ng “identified get-away vehicle” ng dalawang kilala na ring mga suspek.
Kaya nga natural lang na ang mga dapat papurihan at saluduhan sa kasong ito – unang-una ay ang mga imbestigador at intel operative na nagkamada ng mga impormasyon upang mapadali ang pagtukoy at pag-aresto sa dalawang suspek at siyempre, ang mga pulis sa Camarines Sur na dahil sa maagap nilang pagsagot sa hininging “coordination” ng kanilang counterpart sa Nueva Ecija ay nasakote agad sina Suarez at Gumacay.
Ayon kay CPNP Dir Gen Oscar Albayalde, inamin na umano nina Suarez at Gumacay na sila ang bumaril kay Mayor Bote sa tapat ng gusali ng National Irrigation Administration (NIA) sa Cabanatuan City, nitong Hulyo 3. “They admitted that they were hired. That’s why the person he mentioned, whom we cannot name right now, is a subject of our manhunt. He is now a person of interest.”
Dagdag pa ni CPNP: “The main motive here is business…That’s the reason probably why he went to the NIA before he was shot.”
Nakatutulong ang CHECKPOINT – ngunit ‘wag itong sandalan para masugpo ang krimen. Ang importante pa rin ay ang sipag at tiyaga ng mga pulis at ang wastong pakikipag-ugnayan sa isa’t isa sa paglutas ng kaso!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459
-Dave M. Veridiano, E.E.