Kobe Paras, lalaro sa UP Maroons sa Season 82
HIGIT na kompetitibo at may kakayahang maging kampeon sa susunod na season ng UAAP men’s basketball ang University of the Philippines Maroons.
Handa na para sa UAAP Season 81, inaasahang mas katatakutan ang Maroons sa pagdating ni Ricci Rivero sa Season 82, higit ang pagsapi ni Gilas cadet member at US NCAA veteran Kobe Paras.
Sa isang sopresang desisyon, ipinahayag ni Paras ang pananatili sa bansa para maging bahagi ng UP sa premyadong collegiate league sa bansa.
“I look forward to the challenge of helping make UP a better basketball team as well as the challenge of helping myself become a better student,” pahayag ni Paras sa opisyal na media statement ng UP men’s team nitong Miyerkules.
Kakailanganin ni Paras na sumailalim sa one-year residency bago pormal na makapaglaro sa State U sa Season 82 kung saan pinananabikan ang tambalan nila ni Rivero, gayundin ng mga beteranong Maroons na sina Javi at Juan Gomez de Liano, Will Gozum, Jun Manzo, at Nigerian Bright Akhuetie.
Magkakasama sa Gilas cadet team sina Paras, Rivero, Juan GDL, at Gozum.
Sa kabila nito, iginiit ni head coach Bo Perasol na hindi lamang talento bagkus determinasyong manalo ang kailangan para magtagumpay sa liga. “We are fortunate to have a talent like Kobe on board, but winning, as experience has shown us, takes more than talent. We have to get everyone on the same page and to play the right way,” aniya.
Gayunman, mistulang ‘super team’ ang UP Maroons sa susunod na season sa pagdating nina Rivero at Paras na itinuturing malaking hakbang sa isinusulong na pagbabago sa basketball program ng eskwelahan na lubhang nagtamo ng kahihiyan sa nakalipas na mga season.
Dadalhin ni Paras ang karanasan na nakamit niya bilang miyembro ng US NCAA Division 1 team, gayundin ang mahabang taong pamamalagi sa National Team bilang Gilas cadet at pambato ng 3x3 National squad kung saan umagaw ng atensyon si Paras bilang one-time slam dunk champion.
Huling nagkampeon ang UP Maroons sa UAAP men’s basketball noong 1986. Ang koponan ay pinagbidahan noon ni basketball icon Benjie Paras – ama ni Kobe.