SA paglapastangan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa Diyos na tinawag niyang “stupid God”, pinayuhan ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte na huwag pansinin o kaya’y pakinggan ang kanyang ama.
Pahayag ni Inday Sara: “Hindi siya pari, pastor o imam kung kaya hindi dapat seryosohin ang salita o pag-iinterpret niya sa Bibliya o Quran. Hindi raw maintindihan ni Mayor Sara kung bakit pinakikinggan ng mga tao ang interpretasyon ng Pangulo sa Bibliya gayong hindi naman siya isang pari.
Pero para sa taumbayan Mayor Sara, ang ama mo ay Presidente ng bansa na dapat magpakita ng magandang halimbawa sa mga Pilipino. Maging sa ating Constitution ay nakalagay ang kahalagahan ng Diyos kung kaya sa panunumpa ng isang Pangulo, binibigkas niya ang “So help me God.”
Ganito ang nakalagay sa Facebook page ni Mayor Sara: “Please do not listen him interprest the Bible o Quran, he is not a priest, a pastor or an imam. I really do not understand why others listen to him interpret the Bible when he is not a priest, he is a President who is only expressing his opinion.” Tama ka Inday Sara, pero hindi mo maaalis sa mga Pilipino na masaktan sa panlalait sa Diyos na kanilang pinaniniwalaan.
Sa report ng Commission on Audit (COA), isinasaad na si Solicitor Jose Calida ay isa sa may pinakamataas na pay o sahod mula sa gobyerno nitong 2017.
Batay sa COA “Report on Salaries and Allowances” o ROSA na ini-release noong Hunyo 27, tumanggap si Calida ng kabuuang sahod na P10.917 milyon, pang-apat sa mga opisyal na may pinakamalaking pay o sahod.
Si Calida ang naghain ng quo warranto petition laban kay ex-SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Napatalsik si Sereno hindi sa pamamagitan ng impeachment na isinasaad ng Konstitusyon kundi sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General. Mismong kapwa mga mahistrado ni Sereno ang nagpatalsik sa kanya sa botong 8-6.
Para kay Brother Eddie Villanueva, founder ng Jesus is Lord (JIL) Church Worldwide, ama ni Senador Joel Villanueva, nais niyang mag-isyu ng public apology si PRRD sa pag-insulto sa Diyos. Ayon sa kanya, ang kanilang umbrella organization na Philippine Jesus Movement ay kayang magpakilos ng may 10 milyong supporters sa lansangan kapag tumanggi si Mano Digong na mag-sorry sa publiko dahil sa pagtawag sa Diyos ng “stupid.”
-Bert de Guzman