Pansamantalang itinigil ang lahat ng operasyon ng mga pulis laban sa mga rebeldeng komunista sa Mindoro at mga karatig probinsiya, dalawang araw matapos ang misencounter sa Samar na ikinasawi ng anim na pulis.
Ayon kay Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, hepe ng kapulisan sa Mimaropa (Mindoro Occidental and Oriental, Marinduque, Romblon and Palawan), ipinag-utos niya sa mga commanders ng anti-insurgency units na makipag-ugnay muna sa mga puwersang militar kung paano palalakasin ang kailangan koordinasyon upang maiwasang maulit ang naturang engkuwentro.
“I immediately ordered for the suspension of all Internal Security Operations (ISO) of all Mobile Forces and Public safety Forces to prevent the occurrence of the same incident in the region,” ani Licup.
Una rito, pinaghahanda ang Mimaropa regional police force upang saluhin ang militar sa pakikipaglaban sa mga rebelde sa naturang rehiyon.
Pangungunahan ng Regional Public Safety Battalions ang pagtugis sa mga rebelde.
Nitong Lunes, isang grupo ng mga sundalo ang nakipagbarilan sa isang platoon ng mga pulis, na napagkamalan nilang mga rebelde, sa Sta. Rita, Samar.
Bumuo na ng special investigating teams ang pulisya at militar upang imbistigahan ang insidente.
Ayon kay Chief Supt. John Bulalacao, pinuno ng Western Visayas police, maayos ang koordinasyon sa pagitan ng mga pulis at sundalo sa rehiyon.
“The incident in Samar was an isolated case. Our working relation of all security forces here in the region is good,” sabi ni Bulalacao.
Pinamamadali naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) Program Management Office ang pagpapalabas ng tulong pinansiyal para sa pamilya ng mga pulis na nasawi at nasugatan sa engkuwentro.
Ang ayuda ay mula sa Comprehensive Social Benefits Program (CSBP).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, bawat benepisyaryo ng pulis na kabilang sa killed in action (KIA) o killed in police operation (KIPO) ay makakatanggap ng P500,000.
Ang mga pulis na Wounded in Action o Wounded in Police Operation na may Total Permanent Physical Disability (TPPD) ay makakatanggap ng P150,000.
Ang mga pulis na wounded in action na may major at minor injuries ay makakatanggap ng tig-P100,000.
Bukod dito, ang Shelter Assistance na nagkakahalaga ng P450,000, ay ibibigay sa bawat pamilya ng pulis na nasawi at nasugatan sa engkuwentro.
-Aaron Recuenco at Fer Taboy