KAPANSIN-PANSIN ang sunud-sunod na pagkakamali (o kapalpakan?) ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na ang hepe ay si Sec. Martin Andanar kasama si Asec. Mocha Uson. Ang pinakahuling boo-boo ng PCOO ay ang pagbanggit kay Sen. Sherwin “Win” Gatchalian bilang Senator Winston Gatchalian. Umalma ang senador at sinabing ang pangalan niya ay Sherwin at hindi Winston.
Kung natatandaan ng ating readers, umani ng pagbatikos sa mamamayan ang Philippine News Agency (PNA) na nasa ilalim ng PCOO, nang ilathala ang logo ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang logo ng DOLE na isang kompanya ng pineapple o pinya.
Pinalitan din ng PCOO ang unang pangalan ng yumaong kongresista at dating National Security Adviser Roilo Golez bilang “Rogelio”. Bakit nagkakaganito ang PCOO na tumatayong tagapaghatid ng impormasyon ng Duterte administration?
Noong panahon nina Marcos, Cory Aquino, Ramos, Estrada, Macapagal-Arroyo at PNoy, hindi ganito ang nangyayari. Noon ay simpleng Office of the Press Secretary ang tawag sa tanggapang ito. Kung may pagkakamali man noon sa paghahatid ng impormasyon sa publiko, kakaunti lamang at hindi tulad ngayon.
Mismong si Sen. Gatchalian ang bumanggit sa kanyang Twitter sa pagkakamali. “May pag-asa pa ba ang PCOO?”, saad sa Twitter. Isa si Gatchalian sa mga mambabatas na dumalo sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa Malacañang. Siya ay isa sa may-akda ng batas.
May mungkahing ang dapat pagsikapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ibang pang ahensiya ng gobyerno, lalo na ang Philippine National Police (PNP), ay subaybayan at hulihin ang malalaking drug traffickers, drug lords, suppliers at smugglers sa halip na magtuon ng “fishing expedition” sa mga kabataan at mag-aaral.
Sinabi ni Sen. Francis Escudero na hindi angkop ang pagsasagawa ng mandatory drug test sa mga guro at kabataang mag-aaral (Grade 4) sapagkat lubhang malabo ang motibo nito at posibleng magbunga ng pag-abuso sa panig ng mga pulis. Naniniwala rin ang mga mamamayan na bakit ang hinihigpitan ay ang mga tambay na pawang mahihirap gayong namamayagpag ang mga panginoon ng droga at smugglers na nagdadala ng illegal drugs sa bansa.
May naiisip na solusyon ang Commission on Population (POPCOM) upang pigilan ang mabilis na pagdami ng mga tao sa Pilipinas. Mahigit nang 100 milyon ang populasyon ngayon sa bansa. Ayon sa POPCOM, isa sa mga solusyon ay ang vasectomy sa panig ng lalaki at tubal ligation sa panig ng babae.
Ayon kay Popcom executive director Juan Antonio Perez, sinisikap ng kanilang tanggapan na hikayatin ang kalalakihang Pinoy na magpa-vasectomy. Naglaan na raw ang POPCOM ng P5 milyon para sa vasectomy at tubal ligation.
Hindi raw mapigil ang mag-asawa sa panggigigil kung kaya malimit magbuntis si babae kahit walo na ang anak. Siyanga pala, paano ba ang vasectomy? Itanong kay Perez. Hoy, lalaki maligo ka na lang ng malamig para maparam ang init sa katawan!
-Bert de Guzman